Dalawang indibidwal ang nasa shortlist para pumalit kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa isang ambush interview, kinumpirma ni Pangulong Marcos Jr. na may napili na siya mula sa dalawang personalidad ngunit hindi muna ito papangalanan.
“I don’t want him to feel that we are already pushing him out… especially that he has done such a good job as DILG. So, when he will file, we will also announce his replacement,” paliwanag ng Pangulo.
Bilang appointive official ng Pangulo, awtomatikong matatapos ang termino ni Abalos bilang SILG sa oras na magpasa siya ng kanyang Certificate of Candidacy (COC).
Kasama si Abalos sa kampanya ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas ng administrasyong Marcos Jr. kung saan iba’t ibang mga political party ang nagsama-sama kabilang ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP), Nationalist People’s Coalition (NPC), Nacionalista Party, at Lakas–Christian Muslim Democrats (Lakas CMD).
Ngayong araw ng Martes ang opisyal na simula ng filing ng COC ng mga tatakbo para sa mid-term elections sa susunod na taon na magtatagal hanggang Martes, Oktubre 8.