IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, naglaan ng P100-M tulong-pinansyal sa GenSan LGU, tig-P50,000 sa mga pamilyang namatayan bunsod ng M7.8 lindol

86
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. personally inspected schools and other structures damaged by the magnitude 7.8 earthquake in General Santos City on June 10. (Photo courtesy of PCO)

Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagkakaloob ng P100 milyong pondo para sa rehabilitasyon ng General Santos City Hall sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF), sa kanyang pagbisita sa lungsod ngayong Miyerkules, Hunyo 10, matapos tumama ng magnitude 7.8 na lindol.

Kasabay nito, magkakaloob din ang pamahalaan ng tig-P50,000 na tulong-pinansyal sa bawat pamilyang namatayan.

“Nabigyan ko si Mayor ng 100 milyong piso from the LGSF para maayos ‘yung kanilang city hall, ‘yung sa General Santos City Hall. At lahat ng pamilya na mayroon silang casualty, nabiktima, nasawi ay magbibigay tayo ng tig-50,000 para sa kanila,” ani Pangulo.

Ininspeksyon ng Pangulo ang mga napinsalang paaralan at iba pang imprastraktura sa lungsod kung saan iniulat nya na kasalukuyang nagsasagawa ng masusing pagsusuri ang mga inhinyero upang matukoy kung alin sa mga gusali ang ligtas pang gamitin at kung alin ang kinakailangan nang gibain dahil sa matinding pinsala.

Bilang tugon sa pinsala sa imprastraktura, inanunsyo rin ng Pangulo na maglalaan ng karagdagang pondo ang Department of Budget and Management sa ilalim ng LGSF para sa pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga nasirang gusali sa mga lalawigan ng Sarangani at South Cotabato.
Sa ulat ng Pangulo, naibalik na sa 85% ng normal na operasyon ang suplay ng kuryente sa mga lugar na naapektuhan ng lindol habang may dalawa hanggang tatlong lugar ang hindi pa naaabot ng mga repair team dahil sa mga nasirang kalsada at pagguho ng lupa na dulot ng kalamidad.

Sa kabila nito, tiniyak ng Pangulo na hindi maaantala ang paghahatid ng tulong sa mga hindi pa mapasok na mga komunidad.

Sa tulong ng Armed Forces of the Philippines, nakapamahagi ng pagkain, gamot, at iba pang pangunahing pangangailangan sa mga biktima gamit ang mga helicopter.

Ganap na ring naibalik ang komunikasyon sa lahat ng apektadong lugar, habang patuloy ang pagpapanumbalik ng suplay ng tubig.

Hindi naman kinalimutan ni Pangulong Marcos Jr. ang pangangailangan sa psychosocial support ng mga mag-aaral.

Ayon sa kanya, magsasagawa ng mga pagsasanay para sa mga guro upang matukoy at mabigyan ng sapat na suporta ang mga batang maaaring nakakaranas ng epekto ng trauma.

Hinikayat din niya ang mga guro na agad iulat ang pinsalang natamo ng kanilang mga tahanan upang mabigyan sila ng kaukulang tulong mula sa National Housing Authority.

“Also the teachers, nasabi ko sa kanila at saka sa lahat ng mga iba, mag-report sila ‘yung mga bahay nila, ‘yung mga personal homes nila. Kung kailangan nila ng tulong, NHA – papasok ang NHA para tulungan sila,” ani Pangulo.

Patuloy din ang pamamahagi ng tulong sa mga nawalan ng kabuhayan, dahil sa pansamantalang pagsasara ng mga establisimyento.

Kabilang sa mga programang ipinatutupad ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment.

Tiniyak ng Pangulo sa mga residente na patuloy na nagtutulungan ang pambansa at lokal na pamahalaan upang matugunan ang agaran nilang pangangailangan, habang isinasagawa ang komprehensibong pagsusuri sa lawak ng pinsala sa mga gusali at iba pang imprastraktura. – VC