IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, naglabas ng Executive Order para sa dagdag na base pay at subsistence allowance ng military at uniformed personnel

79
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. has approved Executive Order No. 107, which updates the base pay and increases the subsistence allowance for military and uniformed personnel (MUP), and the order is signed by Acting Executive Secretary Ralph Recto on December 3, 2025. (Photo from PCO)

Naglabas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Executive Order 107 na nag-a-update sa base pay schedule at nagpapataas sa subsistence allowance para sa military at uniformed personnel (MUP).

Sa awtoridad ng Pangulo, pinirmahan ni Acting Executive Secretary Ralph Recto ang kautusan nitong Disyembre 3, na sasaklaw sa lahat ng militar sa ilalim ng Department of National Defense (DND) at uniformed personnel ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Corrections (BuCor), at National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA).

“Given the prevailing economic circumstances, there is a need to update the base pay schedule and increase the subsistence allowance of MUP in recognition of their vital role in nation building, and in order to boost their morale and maintain a competent, committed, agile, and healthy workforce,” nakasaad sa EO No. 107.

Itinakda ng EO na ang updated base pay schedule para sa MUP ay ipapatupad sa tatlong yugto: ang unang bugso ay magsisimula sa Enero 1, 2026; ang ikalawa sa Enero 1, 2027; at ang ikatlo sa Enero 1, 2028.

Ayon sa kautusan, ang subsistence allowance para sa lahat ng MUP ay magiging PhP350 bawat araw simula Enero 1, 2026.

Nakasaad din sa EO na ang pondo para sa pagtaas ng base pay at subsistence allowance sa Fiscal Year 2026 ay magmumula sa available appropriations sa 2026 national budget at iba pang pinahihintulutang pinagkukunan, alinsunod sa mga pamantayan sa budgeting at auditing.

Ang mga kinakailangang pondo para sa pagsasaayos ng base pay para sa FY 2027 at 2028 at ang pagtaas ng subsistence allowance sa mga susunod na taon ay isasama sa taunang National Expenditure Program na isusumite sa Kongreso.

Nakasaad din sa EO na magtatatag ng Inter-Agency Technical Working Group (IATWG) na magsasagawa ng komprehensibong pagsusuri sa kasalukuyang MUP pension system. Ang IATWG ay binubuo ng mga kinatawan mula sa Department of Budget and Management (DBM), Department of Finance (DOF), Bureau of the Treasury, at Government Service Insurance System (GSIS).

Layunin ng komprehensibong pagsusuri sa MUP pension system na matiyak na magiging sustenable at makatarungan ang pension system.

Ang IATWG ay bubuo at magrerekomenda rin ng panukalang batas kung kinakailangan, batay sa resulta ng pagsusuri.

Ayon sa EO, inaatasan din ang lahat ng MUP agencies na magbigay ng kinakailangang teknikal, administratibo, at lohistikal na suporta sa IATWG upang maisakatuparan ang komprehensibong pagrepaso.

Sa loob ng 90 araw mula sa pagkapagtibay ng EO, kinakailangang maglabas ang DBM ng mga alituntunin para sa implementasyon nito, kabilang ang mga update sa base pay schedule at mga pagbabago sa subsistence allowance.

Sa loob naman ng 30 araw mula sa pagkapagtibay ng EO, ang mga member-agency ng IATWG at mga concerned MUP agency ay dapat magtalaga ng kanilang mga awtorisadong kinatawan upang makibahagi sa proseso ng pagrepaso. | PND

Related Articles