
Ibinahagi ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang inilatag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na programang magbibigay ng tulong-pinansyal para sa mga Pilipino bilang paghahanda sa paglala ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Domagoso, tinipon ng Pangulo, sa pamamagitan ni Executive Secretary Ralph Recto, ang mga alkalde at gobernador upang buuin ang Financial Assistance to Local Government Units (FALGU) program.
“Wala pa ‘yung giyera. About a little less than two months ago, all mayors, governors were called by the Office of the President, through Executive Secretary, to create the program,” ayon kay Domagoso.
Sa ilalim ng FALGU, inaasahang mamamahagi ang Lungsod ng Maynila ng P286 milyong tulong-pinansyal para sa nasa 74,000 pamilyang Manileños simula Abril.
Ayon sa alkalde, mas mapapabilis ang distribusyon ng tulong dahil direktang ibinababa ang pondo sa mga lokal na pamahalaan sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF) na nakapaloob sa 2026 General Appropriations Act (GAA).
“Ibinaba na sa local government, and it created FALGU under the GAA (General Appropriations Act) or what you call LGSF, Local Government Support Fund. Kaya siya mabilis na mararamdaman, kasi ibinaba sa lokal. Dinownload talaga ‘yung pera,” ayon sa alkalde.
Dagdag ni Domagoso, kabilang sa mga probisyon ng programa ang pagbili ng ani ng mga lokal na magsasaka ng palay upang masuportahan ang kanilang kabuhayan.
Sa kasalukuyan, handa na aniyang gamitin ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang naturang pondo at hinihintay na lamang ang pinal na implementing rules para sa maayos na distribusyon nito. – VC











