IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, nagsagawa ng final walkthrough sa ASEAN Summit venues para tiyakin ang kahandaan ng Pilipinas sa pagho-host ng aktibidad

194
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. personally led the final walkthrough at the Philippine International Convention Center (PICC), including the Media Hall, and at the International Media Center at the World Trade Center (WTC), to ensure that the facilities are ready for the arrival of leaders for the 49th ASEAN Summit. (Photo courtesy of PCO)

Nagsagawa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng final walkthrough sa mga pangunahing lugar na pagdarausan ng 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit nitong Martes, Nobyembre 10, upang matiyak ang kahandaan ng bansa sa pagho-host ng pagtitipon mula Nobyembre 15-17.

Personal na ininspeksyon ng Pangulo ang ASEAN International Media Center sa World Trade Center, Pasay City, gayundin ang Philippine International Convention Center (PICC), na magsisilbing pangunahing venue sa summit.

Kasama ni Pangulong Marcos Jr. sa pag-iikot sina Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Lino Cayetano, Department of Trade Industry (DTI) Secretary Maria Cristina Roque, at Department of Tourism (DOT) Secretary Dita Angara-Mathay.

Sa press briefing nitong Martes, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na nais tiyakin ng Pangulo na natutugunan ang lahat ng kailangang paghahanda bago dumating sa bansa ang mga lider mula sa iba’t ibang panig ng rehiyon.

“Kailangan niyang makita kung ano pa ‘yong kulang dahil dapat ay halos patapos na tayo sa preparasyon, at siguro iyong mga ibang mga maliliit na bagay na makita ng Pangulo na dapat ayusin ay iyon ang kanyang titignan,” ani Castro.
Nauna nang nagsagawa ng inspeksyon si Executive Secretary Ralph Recto, na namumuno sa ASEAN National Organizing Council, sa PICC at Coconut Palace, upang alamin ang progreso ng mga paghahanda para sa pagtitipon.

Ang Pilipinas ang punong abala sa 49th ASEAN Summit and Related Summit bilang chair ng regional bloc ngayong 2026, sa temang “Navigating Our Future Together.”

Nagbibigay-daan ito sa pagkakaisa, katatagan, inobasyon, at inklusibong paglago ng mga bansang kasapi sa ASEAN sa gitna ng nagbabagong hamon sa rehiyon at buong mundo.

Nakatuon ang pamumuno ng Pilipinas sa tatlong strategic priorities: peace and security anchors, prosperity corridors, at people empowerment.

Layunin ng mga prayoridad na palakasin ang kapayapaan at seguridad sa rehiyon, palalimin ang economic integration, at palakasin ang mga komunidad sa pamamagitan ng mga inklusibong programa at pagpapabuti sa kapakanan ng mamamayan.

Inaasahang dadalo sa summit ang mga lider ng mga bansang kasapi ng ASEAN, mga dialogue partner, at iba pang panauhin upang talakayin ang kooperasyon ng rehiyon. – IP