
Patuloy na binabantayan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lagay ng panahon sa mga lugar na nakararanas ng epekto ng Bagyong Inday, ayon kay Palace Press Officer Claire Castro.
Batay sa pinakahuling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), humina na ang Bagyong Inday at isa na lamang Typhoon habang patuloy na kumikilos pahilagang-kanluran.
Pumasok ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) nitong umaga ng Miyerkules, Hulyo 8, bilang isang Super Typhoon.
Bago pa ang pagdating ng bagyo, pinaigting na ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang kanilang paghahanda upang mabawasan ang posibleng epekto ng bagyo sa mamamayan alinsunod sa direktiba ng Pangulo.
Sa pangunguna ni Secretary Don Artes, nakiusap ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga shopping mall na pansamantalang buksan ang kanilang mga parking space para sa overnight parking ng mga sasakyang maaaring maapektuhan ng pagbaha.
Tumugon naman ang SM, Ayala, Robinsons, at Megaworld sa panawagan ng MMDA at sinimulan na ngayong araw ang pagbubukas ng kanilang parking facilities hanggang sa tuluyang makalabas ang bagyo.
Samantala, nagsasagawa ang Department of Public Works and Highways (DPWH), sa pamumuno ni Secretary Vince Dizon, ng paglilinis ng mga kanal at iba pang daluyan ng tubig sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila bilang parte ng nagpapatuloy na Oplan Kontra Baha.
Iniutos naman ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Juan Miguel Puna ang pag-activate sa lahat ng disaster response units ng ahensya sa iba’t ibang rehiyon.
Kabilang sa direktiba ng kalihim ang pagbabantay sa mga protected areas at coastal areas na maaaring maapektuhan ng masamang panahon.
Upang matiyak ang tuloy-tuloy na komunikasyon sa gitna ng bagyo, tiniyak ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na patuloy nitong mino-monitor ang mga pasilidad ng mga telecommunications company.
Nakaantabay na rin ang emergency communications equipment ng ahensya, habang bukas nang 24/7 ang kanilang command center.
Patuloy naman ang pagpapaalala ng Department of Health (DOH) sa publiko na mag-ingat laban sa leptospirosis.
Sa panig ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nakahanda na ang mahigit apat na milyong family food packs (FFPs) sa mga warehouse sa buong bansa.
Mayroon ding nakahandang pondo na aabot sa P644 milyon para sa disaster response operations.
Mariing ipinag-utos ni Pangulong Marcos Jr. sa lahat ng ahensya na huwag maging kampante at patuloy na bantayan ang galaw ng Bagyong Inday, upang matiyak ang mabilis na pagtugon at kaligtasan ng mamamayan. – VC











