
Bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya kontra smuggling, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at Finance Secretary Ralph G. Recto ang pagsira sa 2,977,925 piraso ng electronic vape products na tinatayang nagkakahalaga ng P3.26 bilyon matapos masamsam ng Bureau of Customs (BOC) noong 2024.
Ayon sa BOC, ang mga produkto ay nakumpiska mula sa sampung (10) magkakahiwalay na operasyon sa ilalim ng Port of Manila (POM), Manila International Container Port (MICP), at Intelligence Group (IG).
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa Republic Act No. 11900 o Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act, na nagtatakda ng mahigpit na panuntunan sa pag-aangkat, pagbebenta, at pagbubuwis ng vape products sa bansa.
“Patuloy nating gagawin ito…More important to us are the health issues that these smuggled vapes are raised,” ani Pangulong Marcos sa kaniyang talumpati.
Binigyang-diin naman ni Secretary Recto na ang laban kontra smuggling ay may layuning protektahan ang ekonomiya at kita ng pamahalaan.
“By shutting down illicit trade, we protect our people’s access to affordable goods and boost our revenue collections,” saad ng kalihim.
Upang mapanatili ang tagumpay ng mga operasyon, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng BOC sa mga ahensyang tulad ng Department of Trade and Industry (DTI), Office for the Special Mandate on Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products (OSMV), at mga foreign customs agencies.
Kabilang sa mga ginagamit na sistema ng BOC ang Risk Management System at Cargo Targeting System upang matukoy ang mga shipment na kahina-hinala.
Dumalo rin sa aktibidad sina DTI Secretary Ma. Cristina Roque, BOC Commissioner Bienvenido Rubio, at mga kinatawan mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), Japan International Cooperation Agency (JICA), at iba pang opisyal ng pamahalaan. – VC