
Para sa pagpapabuti ng pagkatuto ng mga kabataan, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamamahagi ng 13,000 tablets, school bags, at school supplies sa Pinaglabanan Elementary School sa San Juan City ngayong Huwebes, Hunyo 11.
Personal na ipinaabot ng Pangulo ang 1,000 Bagong Pilipinas school bags sa mga mag-aaral ng Kindergarten at Grade 1 sa ilalim ng Socio-Civic Projects Fund (SCPF).
Nanggaling naman sa lokal na pamahalaan ng San Juan ang ipinamahaging tablets sa K-12 sa 13 pampublikong paaralan sa bansa, habang naging katuwang ang Department of Education (DepEd) sa paghahandog ng school supplies.
Sa kanyang mensahe, hinimok ni Pangulong Marcos Jr. ang mga mag-aaral na sulitin ang kanilang mga natanggap na bagong kagamitan, na tiyak na malaki ang maitutulong sa kanilang pag-aaral.
“Malaki ang maitutulong niyan para sa inyong pag-aaral. Gamitin ninyo nang mabuti at mag-aral kayong mabuti para maganda ang kinabukasan ninyo, para maganda ang kinabukasan ng mga pamilya ninyo, para maganda ang kinabukasan ng ating bansa,” payo ng Pangulo.
Nagbalik-tanaw din ang Pangulo sa lahat ng tulong ng administrasyon sa mga guro, na kanyang itinuturing bilang mga pag-asa at kinabukasan ng Pilipinas.
“Kaya lahat po ng tulong ng mga teacher natin, lahat po ng tulong na maaari naming ibigay, binigay na po natin. Ibibigay pa rin natin ‘yong teachers’ allowance na for the last two years, nai-release na natin lahat,” ulat ng Pangulo.
Kasabay ng paghahatid ng school bags at iba pang kagamitan sa eskwela, personal din na inobserbahan ng Pangulo ang paggamit ng smart classroom technology at nakipag-usap sa 105 na mga benepisyaryo ng Presidential Merit Scholarship Program.
Sa isang orientation, hinimok ni Pangulong Marcos Jr. ang mga kabataan sa ilalim ng Bagong Pilipinas Presidential Scholars Program na magsikap sa pag-aaral at sulitin ang pagkakataong makapasok sa eskwela dahil sila ay magiging kabahagi sa paghubog ng kinabukasan ng bansa sa hinaharap.
“Kaya huwag n’yong kakalimutan gaano kahalaga ang edukasyon. Huwag niyong kakalimutan. Mag-aral kayo nang mabuti, pagtiyagaan ninyo talaga dahil ito ay kayamanan na maibibigay namin sa inyo na hindi na makukuha sa inyo,” saad ng Pangulo. – VC











