
Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng isang sama-samang pagkilos mula sa mga ahensya ng pamahalaan, mga paaralan, magulang, guro, at komunidad upang matiyak ang kaligtasan ng mga kabataan kasunod ng magkakasunod na insidenteng kinasangkutan ng mga mag-aaral.
Sa kanyang pinakabagong BBM VLOG 282 na pinamagatang “Protektahan ang Kabataan,” sinabi ng Pangulo na siya ay nananawagan hindi lamang bilang pinuno ng bansa kundi bilang isa ring ama na lubhang nababahala sa kalagayan ng mga kabataan.
Binigyang-diin ng Pangulo ang mga kamakailang trahedya, kabilang ang pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City, insidente ng pananaksak sa loob ng mga paaralan sa Cavite, at pagkamatay ng dalawang student-athlete sa isang team-building activity.
Ayon sa Pangulo, bagama’t magkakaiba ang mga pangyayari, iisa ang ipinahihiwatig ng mga ito.
“Kailangang maprotektahan ang ating mga kabataan….. Maprotektahan laban sa karahasan. Maprotektahan laban sa kapabayaan. Maprotektahan laban sa panganib. At maprotektahan laban sa mga tahimik na pinagdaraanan at pasaning dinadala ng marami sa kanila,” aniya.
Giit pa nito, dapat manatiling lugar ng pagkatuto, paghubog ng pangarap, at pag-unlad ng mga mag-aaral ang mga paaralan, at hindi maging sanhi ng pangamba ng mga magulang para sa kaligtasan ng kanilang mga anak.
Dahil dito, inatasan ng Pangulo ang mga ahensyang nangangasiwa sa edukasyon, kapulisan, kalusugan, at lokal na pamahalaan na higit pang paigtingin ang mga hakbang upang mapanatili ang seguridad ng mga estudyante sa buong bansa.
Hinikayat din ng Pangulo ang mga magulang na manatiling aktibong bahagi ng buhay ng kanilang mga anak, habang pinayuhan ang mga guro na ipagpatuloy ang kanilang tungkulin hindi lamang bilang mga tagapagturo kundi bilang mga gabay at tagapayo ng mga mag-aaral.
Kaugnay nito, pinaalalahanan niya ang mga paaralan na mahigpit na ipatupad ang mga safety protocol sa panahon ng klase, field trips, training camps, at iba pang school-related activities upang maiwasan ang mga kapahamakan.
Nagbigay din ng direktang mensahe ang Pangulo sa mga estudyante, at tiniyak ang kanyang suporta sa mga tahimik na dumaranas ng emosyonal na mga suliranin.
“Sa bawat estudyanteng nanonood ngayon: Mahalaga ang iyong buhay. Mahalaga ang iyong mga pinagdaraanan. At ang paghingi ng tulong ay hindi kailanman tanda ng kahinaan,” ani Pangulo.
Sa huli, iginiit ng Pangulo na ang kinabukasan ng bansa ay nakasalalay sa kaligtasan, kapakanan, at katuparan ng mga pangarap ng susunod na henerasyon. – VC











