
Ipinangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa Filipino nurses, kabilang ang pagpapabuti ng nurse-to-patient ratio, pagpuno sa mga bakanteng posisyon, at pagpapalawak ng oportunidad sa pagsasanay at trabaho.
Sinabi ito ng Pangulo sa selebrasyon ng 2026 National Annual Convention ng Philippine Nurses’ Association (PNA) sa Pasay City ngayong Lunes, Oktubre 19.
Sa kanyang talumpati, kinilala ng Pangulo ang mahalagang ambag ng mga nurse sa healthcare system ng bansa at pandaigdigang sektor ng medisina.
Binigyang-diin ng Pangulo na dapat manatiling prayoridad ng pamahalaan ang kapakanan at professional development ng mga nurse.
“Your contributions deserve our recognition and our continued commitment to advance the welfare and professional development of nurses,” ani Pangulong Marcos Jr.
Sinabi ng Pangulo na kasalukuyang nakikipagtulungan ang administrasyon sa Department of Health (DOH) upang palakasin ang healthcare workforce at pagpapabuti ng working condition ng mga medical frontliner.
Nakikipag-ugnayan din ang pamahalaan sa Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang palawakin ang mga programa sa pagsasanay at magbigay ng alternatibong karera para sa mga nurse.
Kabilang sa mga programang binanggit ng Pangulo ang Clinical Care Associates program, na nagbibigay ng oportunidad sa trabaho at review assistance sa mga nursing graduates na hindi pa nakapasa sa licensure examination.
Binanggit din ng Pangulo ang pagtanggal sa moratorium sa pagbubukas ng mga bagong programa sa Bachelor of Nursing and Science noong 2022.
Ayon sa Pangulo, tumaas mula 354 noong Hulyo 2022 ang bilang ng mga higher education institution na nag-aalok ng nursing programs sa tinatayang 425 pagsapit ng Hunyo 2026.
Binuo rin ng pamahalaan ang pinahusay na one-year master’s degree program sa nursing upang makapagsanay ng mas maraming kwalipikadong clinical instructor at educator.
Samantala, binigyang-diin ng Pangulo na tumaas mula P6.8 bilyon noong 2022 sa mahigit P110 bilyon ngayong 2026 ang inilaan para sa health emergency allowance (HEA) ng public at private healthcare workers.
“With these initiatives, we address important parts of the challenge, but we also acknowledge that building a resilient healthcare system requires sustained effort,” ani Pangulo. – VC











