
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang batas na nagpapalawig ng mandato ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) ng karagdagang dalawang taon upang ipagpatuloy ang pangangasiwa sa mga reporma sa sistema ng edukasyon.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12315, magpapatuloy ang komisyon lampas sa orihinal nitong tatlong taong termino na nagtapos noong Disyembre 2025.
Layunin ng pagpapalawig na mapalalim pa ang mga pag-aaral at matiyak ang epektibong pagpapatupad ng mga reporma sa sektor ng edukasyon.
Makikipagtulungan ang komisyon sa ilang pangunahing ahensya ng pamahalaan kabilang ang Department of Education (DepEd) Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Health (DOH) pati ang Kongreso at iba pang sektor.
Kabilang sa mga pangunahing tututukan ang pagpapalakas ng early childhood development, pagpapabuti ng literacy, at pagtiyak na ang mga programang pang-edukasyon ay naaayon sa pangangailangan ng workforce.
Inaatasan din ang EDCOM 2 na pangunahan ang mga reporma sa kurikulum, pamamaraan ng pagtuturo, at mga sistema ng pagsusuri upang maiayon sa pandaigdigang pamantayan.
Bahagi rin ng mandato ng komisyon ang pag-update ng pambansang agenda sa edukasyon sa pamamagitan ng pagsasama ng artificial intelligence, digital at green technologies, at iba pang umuusbong na inobasyon upang maging handa ang sistema ng edukasyon sa hinaharap.
Pansamantalang popondohan ang implementasyon ng batas mula sa umiiral na pondo ng Senado at ng House of Representatives, bago ito ipaloob sa taunang General Appropriations Act (GAA) na magkakabisa 15 araw matapos itong mailathala sa Official Gazette. – VC











