
Nilatag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Biyernes ang mga hakbangin ng kanyang Administrasyon para gawing moderno ang sistema ng pampublikong transportasyon ng bansa sa darating pang mga henerasyon.
“For decades, traffic in the Metro has been more than an inconvenience. It has been a constant consideration affecting our daily decisions,” sinabi ni Pangulong Marcos sa groundbreaking ng Kalayaan Avenue at Bonifacio Global City stations ng Metro Manila Subway Project (MMSP).
(“Sa loob ng maraming dekada, ang trapiko sa Metro ay higit pa sa isang abala. Ito ay laging nakakaapekto sa ating pang-araw-araw na mga desisyon.”)
Ang masikip na trapiko ay nakakaimpluwensya na kung saan tayo nakatira, nagtatrabaho, at nag-aaral, ayon sa Pangulo, na kinilala na ilang mga mag-aaral ay nag-aatubiling mag-enroll sa kanilang pangarap na paaralan dahil sa mahabang pag-commute, habang ang ilang mga propesyonal ay tinatanggihan ang mga magandang pagkakataon sa karera dahil sa mga gastos sa paglalakbay at pagbawas ng oras kasama ang kanilang mga pamilya.
“Panahon na upang matuldukan ang dekadang paghihirap ng ating mga komyuter. Hangad natin ang ligtas, mabilis, at komportableng biyahe, dahil ang oras ng bawat Pilipino ay mahalaga, at bawat minutong matitipid ay oras na maigu-gugol ninyo kasama ang inyong mga pamilya,” diin ng Punong Ehekutibo.
Sinabi ni Pangulong Marcos na mahigit PhP49.98 bilyon ang inilaan ngayong taon para sa Railway Sector sa ilalim ng Kagawaran ng Transportasyon, bahagi ng pangako ng administrasyon na pangmatagalang pamumuhunan sa imprastraktura.
Isinasagawa rin ang mga pag-aayos sa mga istasyon, kabilang ang mga upgrade sa MRT-3 Quezon Avenue station, upang mapabuti ang daloy ng pasahero at accessibility para sa mga senior citizen at mga taong may kapansanan.
Upang mapagaan ang pinansiyal na pasanin sa mga commuter, may diskwentong beep card at cashless na pagbabayad sa MRT-3, habang inilunsad ang libreng Wi-Fi sa lahat ng istasyon ng MRT-3 at ilang EDSA Busway station.
Ang Love Bus Libreng Sakay Program ay patuloy na gumagana sa Metro Manila, Cebu, at Davao para magbigay ng libreng sakay sa mga pasahero araw-araw.
“All these we do because we want future generations to no longer worry about traffic and distance when they make life choices,” pahayag ng Pangulo.
(“Ginagawa natin lahat ng ito dahil gusto natin na ang mga susunod na henerasyon ay hindi na mag-aalala tungkol sa trapiko at distansya kapag sila ay gumagawa ng mga desisyon sa buhay.”)
Kinilala ng Pangulo ang Bases Conversion and Development Authority at Megaworld Corporation para sa pagbibigay ng permanenteng easement rights para sa konstruksyon ng subway, na nagtitiyak ng 100 porsiyento ng kinakailangang right-of-way.
Nagpahayag din ng pasasalamat si Pangulong Marcos sa Gobyerno ng Japan at sa Japan International Cooperation Agency (JICA) sa kanilang matatag na suporta sa paggawa ng Metro Manila Subway.
Tiniyak ng Punong Ehekutibo sa publiko na ang administrasyon ay gagawa ng maingat na pagbabantay, transparency, at pananagutan sa pagpapatupad ng proyekto.
“This project will outlast this Administration, but its benefits will endure, serving generations of Filipinos yet to come,” sabi ni Pangulong Marcos.
(“Ang proyektong ito ay higit pa sa Administrasyon na ito, ngunit ang mga benepisyo nito ay mananatili, na naglilingkod sa mga henerasyon ng mga Pilipinong darating.”) | PND











