
Patuloy na ipinatutupad ng pamahalaan ang mga reporma upang mapabilis at gawing abot-kaya ang internet services, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa idinaos na Philippine Telecommunications Summit 2026 sa Pasay City nitong Huwebes.
“Kasama ang Department of Information and Communications Technology, isinusulong natin mas mabilis na reporma upang maging mas mabilis at abot-kaya ang ating mga binibigay na internet services,” wika ni Pangulong Marcos.
“Kasabay nito, patuloy nating pinapalawak ang saklaw ng konektibidad sa buong bansa,” dagdag pa ng Pangulo.
Kabilang sa mga repormang tinutukoy ng Pangulo ang pagpasa ng Konektadong Pinoy Act na nagtanggal ng mga matagal nang hadlang sa industriya at nagbukas ng mas malawak na partisipasyon.
Sa ilalim ng nasabing batas, hindi na kailangan ng congressional franchise para makapagtayo o makapag-operate ng data transmission networks, na nagbigay-daan sa mas mabilis na pag-unlad at mas matinding kompetisyon.
Itinatakda rin ng batas ang infrastructure sharing at co-location sa mga providers upang maiwasan ang dobleng gastos, mapababa ang deployment costs, at masiguro na bawat pisong ginagastos ay may tunay na pakinabang para sa publiko, sinabi pa ni Pangulong Marcos.
Sa harap nito, ipinagmalaki ng Pangulo ang natapos nang Phase 1, 2, at 3 ng National Fiber Backbone Project.
Sa Phase 1, nabigyan ng internet connectivity ang 360 ahensiya ng gobyerno para sa kapakinabangan ng mahigit 10 milyong mamamayan. Sa Phases 2 at 3, pinalawak pa ang saklaw sa 690 ahensiya na nakatulong sa halos 17 milyong katao.
Sinabi ng Pangulo na sa ilalim ng Free Public Internet Access Program, may higit 9,500 aktibong free Wi-Fi access points na ngayon sa mga 5,057 na pampublikong lugar.
Bukod dito, inilunsad ang Bayanihan SIM Card Project na nagbibigay ng higit 89,400 subsidized SIM cards sa mga estudyante, guro, at mahihirap na komunidad upang mas mapalawak ang digital inclusion.
Nagpasalamat naman si Pangulong Marcos sa pribadong sektor sa kanilang patuloy na pamumuhunan sa telekomunikasyon.
Ang summit na may temang “Mas Mura at Mas Malawak na Internet para sa bawat Pilipino” ay inaasahang lilikha ng multi-bilyong pisong investment commitments mula sa mga kumpanya ng telekomunikasyon. | PND











