
Hindi napigil ng sama ng panahon ang trabaho ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Negros Oriental ngayong araw, Agosto 17, kung saan personal niyang binisita ang Baslay Highland Agriculture Cooperative (BASHACO) sa Negros Oriental at pinangunahan ang pamamahagi ng libreng bigas sa mga residente.
Sa press briefing ngayong araw, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na binisita ng Pangulo ang BASHACO, na nangangasiwa sa 487.55 ektarya ng kagubatan sa ilalim ng Community-Based Forest Management Agreement (CBMFA).
Batay sa datos noong Abril, nasa 1,293 ang aktibong CBMFA sa bansa na nakatutulong sa 167,543 miyembro ng mga people’s organization (PO).
Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr., umabot na sa 7,645.61 ektarya ng kagubatan ang naisaayos ng pamahalaan, habang 50 POs ang nakatanggap ng tulong-pinansyal, at 14,460 trabaho ang naibigay sa ilalim ng programa.
Kaugnay nito, nagpasalamat ang Pangulo sa BASHACO sa patuloy nitong pangangalaga sa kapaligiran kasabay ng pagsusulong ng sektor ng agrikultura at pagpapalago ng lokal na produkto.
Bilang suporta sa kooperatiba, nagpatayo ang pamahalaan ng dalawang agricultural greenhouses sa ilalim ng Farm and Fisheries Clustering and Consolidation Program.
Habang nasa probinsya, pinangunahan din ng Pangulo ang pamamahagi ng libreng bigas sa mga residente ng Negros Oriental sa ilalim ng Bagong Pilipinas Rice Program, na bahagi ng Local Government Support Fund (LGSF).
Nakatanggap ng tig-10 kilo ng bigas ang kabuuang 2,230 benepisyaryo mula sa Brgy. Talay at Brgy. Cantil-e sa Dumaguete City.
Ayon kay Castro, target ng pamahalaan na mabigyan ng tulong ang kabuuang 386,673 benepisyaryo sa buong lalawigan.
Sa pinakahuling datos ng pamahalaan, nasa 1,281 local government units (LGUs) na ang nakatanggap ng financial assistance sa ilalim ng programa.
Samantala, inaasahang makikinabang din ang 2,785 presidential scholars sa Negros Oriental sa ilalim ng Socio-Civic Projects Fund (SCPF).
Ani Castro, umabot na sa 38,279 barangay ang napagkalooban ng SCPF, kung saan nasa P7.66 bilyon na ang kabuuang pondong naipamahagi ng pamahalaan. – VC











