
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Lunes, Hulyo 13, ang paglulunsad at pag-inspeksyon ng mga proyekto sa turismo, pangkalusugan, seguridad sa pagkain, at edukasyon sa Camiguin bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na palawakin ang mahahalagang serbisyong pampubliko at suportahan ang patuloy na paglago ng ekonomiya ng probinsya.
Isa sa mga pangunahing aktibidad ng Pangulo ang inagurasyon ng P86.9-milyong Benoni Port Light Craft Landing Station sa bayan ng Mahinog.
Ang bagong pasilidad ay inaasahang magpapalakas sa turismo at kalakalan sa rehiyon sa pamamagitan ng pagpapabuti ng daloy ng mga pasahero, sasakyan, at mga pangunahing produkto.
Ininspeksyon din ng Pangulo ang P171.3-M Benoni Port Operations Building na magsisilbing sentro ng operasyon ng pantalan.
Sa pagbubukas ng dalawang bagong imprastraktura, mas maayos na mapagsisilbihan ang mga domestic vessel at mapamamahalaan ang mga rolling cargo, suplay ng langis, at iba pang mahahalagang kalakal na kailangan ng lalawigan.
“This project further strengthens Camiguin’s primary transport link that connects the province to the Port of Jagna in Bohol and the Port of Balingoan in Misamis Oriental,” ani Pangulong Marcos Jr.
Kasunod ng inagurasyon, nagtungo naman ang Pangulo sa Camiguin General Hospital upang inspeksyunin ang mga pasilidad, kabilang ang emergency room at internal medicine ward.
Sa kanyang pag-inspeksyon, kinumusta ng punong ehekutibo ang pagpapatupad ng Zero Balance Billing (ZBB) program na nagbibigay-daan sa mga kwalipikadong pasyenteng naka-confine sa ward ng mga pampublikong ospital na makalabas nang walang binabayarang hospital bill.
Ayon sa Malacañang, mula Hulyo 2025 hanggang Mayo 2026 ay naglaan ang pamahalaan ng P67 bilyon para sa pagpapagamot ng mahigit 2.76-M pasyente sa ilalim ng programa.
Sa katunayan, pinalawak pa ngayong buwan ang implementasyon nito sa mga lokal na ospital sa Sarangani, Laguna, Aklan, Bataan, Batangas, at Quezon.
Habang nasa probinsiya, pinangunahan din ng Pangulo ang pamamahagi ng second tranche ng rice assistance sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF), kung saan 5,096 na benepisyaryo ang tumanggap ng tig-10 kilo ng bigas.
Bilang bahagi naman ng Socio-Civic Projects Fund (SCPF), pinulong ng Pangulo ang 100 benepisyaryo ng Presidential Scholars program mula sa limang bayan ng Camiguin, kung saan bawat iskolar ay tumanggap ng P20,000 bilang tulong para sa mga estudyante sa kolehiyo na makapagtapos ng pag-aaral.
Inaasahang makatatangggap din ng tulong-pinansyal ang karagdagang 190 estudyante mula sa lalawigan.
As of July 11, umabot na sa 1,266 na lokal na pamahalaan sa buong bansa ang nakinabang sa LGSF, habang 23,431 barangays naman ang nakinabang mula sa iba’t ibang socio-civic projects sa ilalim ng “Bawat Bayan Makikinabang” program ng administrasyon. – VC











