IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, pinahihigpit ang monitoring sa presyo ng langis sa gitna ng tensyon sa Middle East; fuel subsidy, inihahanda

Kristel Isidro
112
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. (Photo courtesy of PNA)

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang mahigpit na pagbabantay laban sa posibleng pananamantala sa presyo ng langis, sa gitna ng umiiral na gulo sa Middle East.

Sa press briefing ngayong araw, inihayag ni PCO Undersecretary Claire Castro ang direktiba ni Pangulong Marcos Jr. na mahigpit na bantayan ang presyo ng iba pang pangunahing bilihin upang matiyak na walang magaganap na hindi makatarungang pagtataas ng presyo mula sa mga pribadong kumpanya.

Ayon kay Department of Energy (DOE) Oil Management Bureau Director Rino Abad, may posibilidad na muling tumaas ang presyo ng langis sa bansa dahil sa posibleng pagkaantala sa shipment ng suplay.

Sa kasalukuyan, nasa 72 US dollars kada bariles ang crude oil, at tinataya ng mga analyst na maaari pa itong madagdagan ng 5 hanggang 10 US dollars kada bariles.

Ipinaliwanag ni Abad na kung tataas ng 10 US dollars kada bariles ang presyo ng krudo, posibleng madagdagan ng hanggang tatlong piso ang kada litro ng produktong petrolyo.

Ayon sa DOE, maaaring ipagpatuloy ng mga kumpanya ng langis ang kanilang discount programs na umaabot sa isa hanggang limang piso kada litro upang makatulong sa mga motorista.

Sa parte ng Department of Transportation (DOTr), sinabi ni Acting Secretary Giovanni Lopez na naghahanda ang ahensya ng posibleng P2.5 bilyong fuel subsidy para sa PUV operators at drivers, sakaling umabot sa 80 US dollars kada bariles ang presyo ng langis.

Ayon sa kalihim, sinimulan na ng DOTr ang pagproseso ng mga kinakailangang dokumento upang matiyak ang agarang pamamahagi ng subsidiya kapag naabot ang nasabing threshold.

Dagdag pa ni Lopez, nire-review na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga nakabinbing petisyon para sa taas-pasahe.

Samantala, nakatakdang makipagpulong si DOE Secretary Sharon Garin sa mga kinatawan ng mga kumpanya ng langis sa bansa upang talakayin ang mga pangamba kaugnay ng presyo ng produktong petrolyo. – VC

Related Articles

National

Joyce Ann L. Rocamora, Philippine News Agency

313
Views

National

Kristel Isidro

1216
Views