
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtugon ng pamahalaan sa epekto ng Habagat at mga nagdaang bagyo mula Agosto 10-14, kasabay ng pagsusulong ng mga programa sa kalusugan, seguridad sa pagkain, imprastraktura, kapaligiran, ekonomiya, good governance, press freedom, at paglaban sa korapsyon.
Noong Agosto 10, pinangunahan ng Pangulo ang Cabinet briefing hinggil sa epekto ng Habagat at ng bagyong Luis at Maymay, kung saan inatasan niya ang mga ahensya ng gobyerno na agad maghatid ng tulong sa mga apektadong komunidad at ang Department of Health (DOH) na magbukas ng fast lanes sa mga ospital para sa mga kaso ng dengue at leptospirosis.
Sa parehong araw, itinalaga ng Pangulo si Dr. Edwin Mercado bilang bagong kalihim ng DOH at si Dr. Beverly Lorraine Ho bilang pangulo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), na kapwa pormal na nanumpa sa kanilang mga tungkulin kinabukasan.
Natanggap din ng Pangulo mula sa Department of Budget and Management (DBM) ang panukalang P7.2-trilyong pambansang pondo para sa 2027.
Sa larangan ng diplomasya, nakipagpulong din ang punong ehekutibo sa mga opisyal ng United States sa Malacañang at iginawad ang Order of Sikatuna kay outgoing French Ambassador Marie Fontanel bilang pagkilala sa kanyang ambag sa pagpapalakas ng ugnayan ng Pilipinas at France, lalo na sa defense cooperation at pagsusulong ng rules-based international order sa Indo-Pacific.
Noong Agosto 11, ininspeksyon naman ng Pangulo ang mga flood-control operation at evacuation area sa Las Piñas, kung saan iniutos niya ang agarang pagkumpleto sa matagal nang naantalang spillway project sa lugar.
Itinulak din ni Pangulong Marcos Jr. ang wastong pagtatapon ng basura at pagpapatupad ng waste-to-energy projects upang makatulong na maibsan ang pagbaha at matugunan ang problema sa basura sa bansa.
Binigyang-diin niya na sa ilalim ng proyekto, maaaring iproseso ang basura at gawing kuryente gamit ang mga teknolohiyang matagal nang umiiral.
Kasabay nito, iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakahanda ang 5.2 milyong family food packs para sa disaster response, habang umabot naman sa 2,600 housing units ang nakumpleto sa ilalim ng 4PH program sa Davao.
Noong Agosto 12, sinuri rin ng Pangulo ang Pasay pumping station at iniutos ang mas mabilis na paglilinis ng mga daluyan ng tubig, kabilang ang Baclaran River.
Binigyang-diin ng Pangulo ang pangangailangan ng mga komunidad para sa maayos na pasilidad sa waste disposal at regular na paglilinis ng mga daluyan ng tubig upang maiwasan ang pagbaha at matiyak ang maayos na operasyon ng mga pumping station.
Noong Agosto 13, inilabas naman ng Pangulo ang Administrative Order (AO) No. 43 upang mapadali ang boluntaryong pagkaltas at pag-remit ng kontribusyon sa Social Security System (SSS), PhilHealth, at Pag-IBIG Fund ng mga contract of service (COS) at job order (JO) workers sa pamahalaan.
Sa ilalim ng kautusan, inaatasan ang mga kinaukulang ahensya na direktang i-remit sa SSS, PhilHealth at Pag-IBIG Fund ang mga nakaltas na kontribusyon, tiyakin ang napapanahong pagbabayad, at makipagkasundo sa mga naturang institusyon para sa maayos na pagpapatupad ng kautusan.
Nilagdaan din ng Pangulo ang AO No. 44 upang palakasin ang koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan, local government units (LGUs), at pribadong sektor para matiyak ang timely completion ng Sangley Airport sa Cavite.
Kasabay nito, itinulak ng Pangulo ang pagpapalawak ng Walang Gutom Kitchens (WGK) sa buong bansa upang makapagbigay ng libreng masustansyang pagkain sa mga Pilipinong nakararanas ng gutom, kabilang ang mga seasonal workers.
Sa ilalim ng pinalawak na programa, inatasan niya ang DSWD na magtayo ng 12 WGK facilities sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang mapalawak ang access sa food assistance ng mga vulnerable sector at mabawasan ang food waste.
Ayon sa DSWD, bumaba ng 6.7% ang household hunger rate sa mga benepisyaryo ng programa.
Samantala, iniulat naman ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang P2.013 trilyong tax collections mula Enero hanggang Hulyo, na lumampas sa itinakdang target para sa naturang panahon.
Ayon sa ahensya, nakatulong dito ang mas mataas na taxpayer compliance at mga repormang nakatuon sa pagpapadali ng tax rules, pagpapalawak ng digital services, at pagpapahusay ng taxpayer assistance.
Bukod dito, pinalakas din ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang paglilinis ng mga daluyan ng tubig sa Metro Manila sa pamamagitan ng pagde-deploy ng 1,500 estero rangers at river warriors at paglalagay ng 196 trash traps.
Gayunman, iginiit din ng pamahalaan ang kahalagahan ng aktibong pakikilahok ng mga komunidad sa mga programa sa paglilinis at wastong pagtatapon ng basura.
Noong Agosto 14, muli namang tiniyak ng Pangulo ang kanyang paninindigan sa press freedom, pagpapalakas ng economic partnerships, at pagpapatuloy ng laban sa korapsyon, partikular sa mga proyekto sa imprastraktura ng pamahalaan, sa Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) Presidential Luncheon sa Maynila.
Aniya, dapat magpatuloy ang mga imbestigasyon sa mga iregularidad kahit matapos ang kanyang termino sa 2028.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) bilang bahagi ng matagal nang pagsisikap na makamit ang kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao.
Inaasahan aniya na makatutulong ang halalan sa pagpapahusay ng pamamahala at pagpapalakas ng ekonomiya sa rehiyon.
Sa pagtatapos ng linggo, iginiit ni Pangulong Marcos Jr. ang kanyang layuning mag-iwan ng pamahalaang higit na mapagkakatiwalaan, mabilis tumugon sa pangangailangan ng mamamayan, at nakatuon sa pangmatagalang kaunlaran kahit matapos ang kanyang termino sa 2028.
Ipinakita ng mga hakbang ng administrasyon sa loob ng linggo ang sabayang pagtugon sa mga agarang suliranin, kabilang ang mga kalamidad, pagbaha, kalusugan at seguridad sa pagkain, habang ipinagpapatuloy ang mga reporma sa imprastraktura, ekonomiya at kapaligiran. – VC











