IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, pinalawig ang pagtanggap ng benepisyo ng 4Ps members lampas sa maximum 7-year-period

128
Views

[post_view_count]

The Department of Social Welfare and Development (DSWD) conducted the set 14 registration for new beneficiaries of Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at the Castilla Municipal Gymnasium, Sorsogon on April 30, 2026. (File photo of DSWD)

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 120 na nagpapahintulot sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na magpatuloy sa pagtanggap ng kanilang benepisyo kahit lumagpas na sa seven-year-period ng programa.

Sa bisa ng kautusan, ang mga benepisyaryong nakumpleto na ang pitong taon sa 4Ps ay maaaring magpatuloy sa pagtanggap ng benepisyo hangga’t sila ay nananatiling kabilang sa Level 1 (Survival) o Level 2 (Subsistence) batay sa pagsusuri ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa tulong ng Social Welfare and Development Indicator (DSWD).

Ito ay alinsunod sa Republic Act No. 11310 o 4Ps Act na nagbibigay kapangyarihan sa National Authority Council (NAC) na magrekomenda sa Pangulo na palawigin ang benepisyo lampas sa seven-year-limit kung may “exceptional circumstances.”

Inirekomenda ng NAC ang pagpapalawig ng programa sa pamamagitan ng Resolution No. 1, series of 2026.

Ayon sa konseho, malaki ang naging epekto ng pandemyang COVID-19 sa kabuhayan ng mga benepisyaryo, na nagdulot ng pagbaba ng kita ng mga pamilya, pag-urong ng kanilang pag-unlad, pagtaas ng kanilang vulnerability, at pagkakaantala sa layunin ng programa sa loob ng itinakdang pitong taon.

“There is a need to ensure that 4Ps beneficiaries affected by exceptional circumstances continue to receive adequate support under the Program until they achieve the level of self-sufficiency as contemplated by RA No. 11310,” saad ng EO.

Upang maipatupad, inaatasan ang DSWD na i-adopt ang mas pinalakas na case management system gamit ang pinahusay na SWDI o iba pang angkop na assessment tools upang regular na masuri ang kalagayan ng mga benepisyaryo at matukoy kung handa na silang makapagtapos sa programa.

Ipinag-uutos din sa ahensya na maglabas ng implementing guidelines sa loob ng 30 araw mula sa pag-iral ng EO.

Sakop ng mga panuntunang ito ang proseso ng pagtukoy at beripikasyon ng mga kwalipikadong benepisyaryo, periodic assessments, pagpapatibay ng case management interventions, at pagtukoy sa patuloy na kwalipikasyon at kahandaan ng mga benepisyaryo na makapagtapos sa programa.

Ang pondo para sa implementasyon ng EO ay manggagaling sa kasalukuyang pondo ng DSWD.

Samantala, ang pondong kakailanganin para sa pagpapatuloy ng programa ay isasama sa mga susunod na budget proposal ng ahensya, alinsunod sa umiiral na usual budget process.

Agad na magkakabisa ang EO 20 sa oras na mailathala ito sa Official Gazette. VC