IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, pinangalanan si Associate Justice Rodil Zalameda bilang bagong Chief Justice

125
Views

[post_view_count]

Former Associate Justice Rodil Zalmadea speaks during the Judicial and Bar Council’s public panel interview for Chief Justice position on October 26, 2026. (File photo of Supreme Court PH)

Itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Supreme Court (SC) Associate Justice Rodil V. Zalameda bilang bagong Chief Justice ng Korte Suprema, kapalit ni outgoing Chief Justice Alexander G. Gesmundo na nakatakdang magretiro bukas, Nobyembre 6.

Kinumpirma ito ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Lino Cayetano ngayong hapon, Nobyembre 5.

“Today, I am pleased to announce that President Ferdinand R. Marcos Jr. has chosen Supreme Court Associate Justice Rodil V. Zalameda to serve as the next Chief Justice of the Supreme Court of the Philippines,” ani Cayetano.

Ayon sa Palace official, kinilala ng Pangulo sa pagpili kay Zalameda ang kahalagahan ng isang lider na may malawak na karanasan at matatag na paninindigan sa pagpapanatili ng tiwala ng publiko sa mga judicial institution.

Mahigit tatlong dekada nang naglilingkod sa justice system si Zalameda, kung saan nagsimula ang kanyang karera bilang court official at public prosecutor sa Court of Appeals, at kalaunan ay nahirang bilang Associate Justice ng Korte Suprema.

Binigyang-diin ni Cayetano na ang malawak na karanasan ni Zalameda sa iba’t ibang antas ng hudikatura ay nagbigay sa kanya ng mas malalim na pag-unawa sa sistema ng mga korte at sa mga mamamayang kanyang pinaglilingkuran.

Kumpiyansa naman si Pangulong Marcos Jr. na gagampanan ng bagong Chief Justice ang mabigat na tungkulin bilang Punong Mahistrado nang may integridad, pagiging patas, at pagtalima sa kapangyarihan ng batas.

Ang Chief Justice ang namumuno sa Korte Suprema, isa sa mga pangunahing institusyon ng demokrasya na may tungkuling pangalagaan ang Saligang Batas, protektahan ang mga karapatan ng mamamayan, at tiyaking patas ang pagpapatupad ng katarungan. – VC