
Pormal nang nanumpa bilang ika-32 hepe ng Philippine National Police (PNP) si General Jose Melencio C. Nartatez Jr. sa isang seremonya sa Malacañang na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Miyerkules, Enero 28.
Binati ng Pangulo si Nartatez sa kanyang pag-upo bilang bagong PNP Chief at nagpahayag ng suporta sa kanyang pagharap sa mga responsibilidad at hamon.
“Nagpaabot ng pagbati at suporta ang Pangulo kay General Nartatez para sa kanyang husay sa pamumuno sa hanay ng kapulisan,” saad ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isinagawang press briefing ngayong araw.
Dati nang naglingkod si Nartatez sa iba’t ibang leadership positions kabilang na ang pagiging PNP Deputy Chief for Administration mula taong 2024 hanggang 2025; National Capital Region Police Office Director mula noong 2023 hanggang 2024; Regional Director of Police Regional Office ng IV-A Calabarzon mula 2022 hanggang 2023; at bilang Ilocos Norte Police Provincial Office Director mula pa 2016 hanggang 2018.
Bukod dito, humawak na rin siya ng iba pang posisyon sa ahensya simula nang kanyang pagpasok dito noong taong 1992 kabilang na ang pagiging Director for Comptrollership and Intelligence at pagiging miyembro ng elite PNP Special Action Force at Criminal Investigation and Detection Group.
Taong 2006 nang na-promote si Nartatez bilang Police Lieutenant Colonel bunga ng kanyang katangi-tanging serbisyo.
Miyembro si Nartatez ng Philippine Military Academy (PMA) Tanglaw-Diwa Class of 1992 at nagtapos ng Master’s Degree in Public Administration sa Polytechnic University of the Philippines. – IP











