IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, pinangunahan ang 11th PSAC meeting para palakasin ang digital infrastructure ng bansa

113
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. led the 11th meeting with the Private Sector Advisory Council (PSAC) Digital Infrastructure Sector Group at Malacañang last Tuesday, November 3. (Photo courtesy of PCO)

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ika-11 pulong ng Private Sector Advisory Council (PSAC) nitong Martes, Nobyembre 3, upang talakayin ang mga paraan para mapabuti ang digital infrastructure sa bansa.

Dumalo sa pulong ang mga lider ng private sector na nagbigay ng mga mungkahi para mapabilis at mapalawak ang internet connection, mapadali ang paggamit ng online government services, at maprotektahan ang bansa laban sa cyber attack.

Isa sa direktiba ng Pangulo, dapat tumaas ang kumpiyansa ng mga Pilipino sa paggamit ng online banking platforms tulad ng pagbayad ng mga gastusin, pagbebenta ng mga produkto, at iba pang serbisyo.

Target din ng Pangulo na lumikha ng mga oportunidad para sa mga manggagawa at micro, small, and medium enterprises (MSMEs).

Higit pa sa koneksyon, pinagtutuunan din ng pansin ang pagprotekta sa mga konsyumer at maliliit na negosyo mula sa mga banta sa cyberspace lalo at lumalawak ang pagdepende nila sa online transactions.

Kinilala rin ang suliranin ng maraming Pilipino sa mga liblib na lugar na patuloy na umaasa sa mahina o halos hindi gumaganang internet connections.
Bilang tugon, personal na nirerebyu ng Pangulo ang Bayanihan SIM Project at ang mga paraan kung paano mapapanatiling konektado ang bawat Pilipino.

Samantala, inaasahang mas bibilis at magiging accessible pa ang mga serbisyo at transaksyon ng pamahalaan sa unified digital platform nito na eGovPH app, kabilang na nga ang pagproseso ng death at funeral benefits ng Social Security System (SSS) at ang pinasimpleng business registration.

Sa utos ni Pangulong Marcos Jr., pinag-aaralan ng DICT ang pag-streamline ng SSS benefits sa e-government system na inaasahang magiging available na sa mga Pilipino sa susunod na buwan.

Samantala, makikinabang naman sa simplified system ng pagrehistro ng mga negosyo ang mga nais mamuhunan o magtatag ng operasyon sa bansa, lokal man o dayuhan.

Itinatag noong 2022, nagsisilbing mekanismo ang PSAC para sa pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor sa pagbuo ng mga solusyon sa mahahalagang usaping pang-ekonomiya ng bansa. – VC