
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Biyernes ang inagurasyon ng isang mahalagang bahagi ng Angat Water Transmission Improvement Project na titiyak sa tuloy-tuloy na suplay ng tubig para sa Metro Manila at mga kalapit na probinsya.
Ayon sa Pangulo, ang Tunnel No. 5 ay isang malaking tagumpay tungo sa layunin na mabigyan ang bawat Pilipino ng maaasahan at sapat na suplay ng tubig.
Pinalalakas ng bagong tunnel ang deka-dekada nang Umiray–Angat–Ipo–La Mesa system, na nagsisilbing gulugod sa paghahatid ng tubig mula sa Angat Dam patungong Metro Manila at Mega Manila.
“This is why the establishment of Tunnel No. 5 is not only important, it is essential,” sinabi ng Pangulo sa inauguration ceremony na ginanap sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Compound sa Norzagaray, Bulacan.
Pinasinayaan ng Pangulo ang project marker sa Bigte Basin sa Barangay Bigte, kasama nina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, Department of Environment and Natural Resources Secretary Raphael Lotilla, MWSS Administrator Leonor Cleofas, Maynilad President at CEO Ramoncito S. Fernandez, at ni Manila Water President at CEO Jose Victor Emmanuel A. De Dios.
Ang Umiray–Angat–Ipo–La Mesa ang nagdadala ng halos 90 porsyento ng tubig na ginagamit ng mahigit 20 milyong residente sa Metro Manila, Bulacan, at ilang bahagi ng Cavite at Rizal.
“These numbers show how important it is to keep the Angat system strong, reliable, and future-ready,” ayon sa Punong Ehekutibo.
Ayon sa Pangulo, ang Tunnel No. 5 ay may kakayahang magdala ng higit sa 1.6 bilyong litro ng tubig kada araw, na nagpapataas sa kapasidad ng sistema mula 6 bilyon tungo sa halos 8 bilyong litro kada araw.
“Ibig sabihin, mas maraming pamilya ang magkakaroon ng tuloy-tuloy at maaasahang suplay ng tubig sa kanilang mga tahanan,” ang sabi ng Pangulo.
“Maisasaayos ang mga dati nang tunnels dahil may backup ng puwedeng pagdaanan ng tubig. ‘Yung mga tunnel po na sinara dahil kailangan nang mag-maintenance, maaari na ngayon natin buksan – balikan ulit, baka may pag-asa pa, baka may rehab pa para magamit pa rin natin,” punto pa ng Pangulo.
Ang mas pinahusay na daloy ng suplay ng tubig ay makatutulong din sa paghahanda ng mga komunidad laban sa tagtuyot at iba pang epekto ng climate change, at lalo pang magpapatatag sa sistema ng tubig ng bansa.
Pinuri ni Pangulong Marcos ang walang sawang suporta ng mga concessionaire na Maynilad at Manila Water, gayundin ang mga inhinyero, manggagawa, at lahat ng nagbigay ng kanilang husay at pagsisikap para sa proyekto.
“This project reminds us that we can accomplish what – when the government and the private sector, and the LGUs are anchored on a shared vision,” ang sabi ng Punong Ehekutibo.
“Ladies and gentlemen, let this milestone encourage us to value the resources that we are blessed with, use them responsibly, and take part in building a more inclusive, sustainable future for everyone.” (PND)











