IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, pinangunahan ang muling pagbubukas ng Mahayag Dam matapos ang 10 buwang rehabilitasyon

Kristel Isidro
73
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. led the inauguration of the newly-rehabilitated Mahayag Dam in Zamboanga del Sur today, February 12. (Photo courtesy of PCO)

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang inagurasyon at pag-iinspeksyon ng flood control system sa bagong ayos na Mahayag Dam sa Zamboanga del Sur, ngayong Huwebes, Pebrero 12, matapos itong isailalim sa 10-buwang rehabilitasyon dahil sa matinding pagkasira noong Disyembre 2022 dulot ng sunod-sunod na pagbaha.

Noong kasagsagan ng kalamidad, naitala ang pinakamataas na water level sa lugar na nagresulta sa structural displacement at partial collapse ng 83-metrong haba na dam.

Ayon sa Pangulo, inaasahang mapapabuti ng proyekto ang water diversion, irigasyon, at iba pang gawaing pang-agrikultura sa rehiyon. 

Makatutulong din aniya ang Mahayag dam sa pagbawas ng pagbaha at pangkalahatang seguridad ng mga tahanan at kabuhayan sa Zamboanga del Sur.

Tinatayang aabot sa 5,000 ektarya ng sakahan ng mahigit 3,000 magsasaka ang makikinabang sa mas maayos na water diversion at patubig sa tulong ng mga karagdagang sluice at intake gates sa West at East Main Canals. 

Kasabay nito, nagkaloob ang pamahalaan ng 20-solar powered pump irrigation projects (SPIP) para sa higit 600 magsasaka. 

Ani Pangulong Marcos Jr. ang SPIP ay magtitiyak ng maayos na operasyon sa pamamagitan ng alternatibong enerhiya, habang pangangasiwaan ng Irrigators Association (IA) ang pamamahagi at paglilinis ng tubig. 

Tiniyak ng Pangulo ang pagpapatuloy ng mas maraming proyektong patubig sa buong bansa sa ilalim ng P63 bilyon na nationwide irrigation program, na layong palakasin ang ani, agrikultura, at food security ng bansa. (Ulat mula kay Eugene Fernandez) – VC