
President Ferdinand R. Marcos Jr. provided updates on the investigation into irregularities in flood control projects during his report today, November 13, 2025. (Screengrab from RTVM)
Sa kanyang President’s Report ngayong Huwebes, Nobyembre 13, nagpasalamat si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa publiko para sa kanilang suporta at mga reklamong ipinadala sa “Sumbong sa Pangulo” website.
Ayon sa Pangulo, umabot na sa 20,078 report ang natanggap ng website mula Agosto 11 hanggang Nobyembre 10, 2025.
Mula sa 9,855 reklamo kaugnay sa maanomalyang flood control projects, 8,329 na ang na-validate.
“Napakahalaga ng impormasyon mula sa taumbayan. Dapat tingnan, imbestigahan, [at] pag-aralan,” pagbibigay-diin ng Pangulo.
Idinetalye rin ni Pangulong Marcos Jr. ang mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan upang mapanagot ang mga sangkot sa katiwalian.
Kabilang dito ang pagkumpiska at nakatakdang pag-auction ng Bureau of Customs (BOC) sa 13 luxury cars ng kontrobersyal na mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.
Nakatanggap din ng pitong freeze orders ang Anti-Money Laundering Council (AMLAC) mula sa Court of Appeals na aabot sa P6.3 bilyong halaga.
Kasabay nito, sinimulan na ng Solicitor General ang pagbuo ng forfeiture case para tuluyang mabawi ang halagang ito.
Matatandaang nagsumite ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng 12 kaso ng bid manipulation at rigging sa Philippine Competition Commission laban sa anim na kumpanya kung saan inaasahang mababawi ang nasa P3-5 bilyon.
Tiniyak naman ng punong ehekutibo na magkakaroon ng reporma sa proseso ng pagsasakatuparan ng mga proyekto ng pamahalaan upang hindi na maulit ang anumang katiwalian. (Ulat mula kay Christel Delfin)











