
Ikinatuwa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang tinawag niyang “full blast” na paghahanda ng sektor ng edukasyon para sa nalalapit na pagbubukas ng klase para sa School Year 2025–2026.
Personal na binisita ng Pangulo ang Brigada-Eskwela sa Kapitbahayan Elementary School sa Barangay Kaunlaran, Navotas City ngayong Martes, Hunyo 2, upang matiyak ang maayos at ligtas na pagbabalik-klase ng mga mag-aaral sa Hunyo 8.
Kasama niya sina Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara at newly-appointed Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino.
“Nakakatuwang makita na full blast tayo sa educational sector at lahat ng pangangailangan hangga’t kayang ibigay ng pamahalaan, binibigay natin,” ani Pangulo.
Kabilang sa mga ininspeksyon ni Pangulong Marcos Jr. ang mga bagong nakakabit na closed-circuit television (CCTV) camera sa paaralan.
Ayon sa Pangulo, may kabuuang 16 na CCTV cameras ang inilagay sa eskuwelahan upang mapalakas ang seguridad at matiyak ang agarang pagtugon ng mga guro at school administrator sakaling magkaroon ng anumang insidente sa loob ng campus, tulad ng bullying.
“Ang una nating pinuntahan ay ‘yung CCTV. Nagkabit tayo ng CCTV. I think dito sa eskuwelahan na ito they have 16 cameras, 16 cameras para bantayan, na tiyakin na ‘yung mga bata ay ligtas at safe sila. At kung mayroon mangyari ay alam kaagad nung mga teacher, alam kaagad nung mga administrator. Kaya ‘yun ang inuna namin,” giit ng Pangulo.
Bilang bahagi ng mas pinalakas na paghahanda, isinama ng pamahalaan sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng DOLE ang mga volunteer na tumutulong sa Brigada-Eskwela upang makatangap sila ng cash-for-work assistance habang nakikibahagi sa rehabilitasyon ng mga paaralan.
Iniulat ng Pangulo na mula sa 147 paaralan, 3,658 indibidwal ang naging benepisyaryo ng TUPAD at mahigit P26.12 milyon ang pondong naipamahagi.
Kasalukuyan namang ipinatutupad ang programa sa 181 paaralan kung saan inaasahang makikinabang ang 4,579 benepisyaryo, na may nakalaang pondo na P37.14 milyon.
Habang nasa paaralan, kinumusta na rin ng Pangulo ang implementasyon ng Tara, Basa! Program, isang literacy initiative na kumukuha ng mga college student tutors upang tulungang mapahusay ang kakayahan sa pagbasa ng mga batang mag-aaral.
“Ito kinukuha natin ‘yung mga college student na gustong tumulong at sila ay nagtuturo ‘pag summer. Tinuturuan nila ‘yung mga bata para maging mas magaling magbasa at sila naman ay nabibigyan din ng tulong para sa kanilang pangangailangan para makapagtapos sila,” ani Pangulo.
Samantala, ikinatuwa naman ng Pangulo ang kanyang pagbisita sa isang reading nook na aniya ay mas maliit na bersyon ng library hub na itinatag ng pamahalaan upang mapalawak ang access ng mga mag-aaral sa mga libro at iba pang learning materials.
Sa huli, binigyang-diin ng Pangulo na hindi na kailangang turuan pa ang DepEd sa kanilang paghahanda ngunit mariing pinatitiyak na hindi mabibitin ang mga mag-aaral sa oras na magsimula ang klase.
“DepEd knows perfectly well what to do. Hindi na natin kailangan silang turuan. But ‘yun na nga, we are just improving the facilities,” ayon sa Pangulo.
“Kung may instruction man ako, tiyakin nila na handa sila sa pagbukas ng eskwela, ng klase para naman hindi nabibitin ‘yung mga bata. Tuloy-tuloy ang kanilang pag-aaral,” dagdag niya. – VC











