
Nananatiling pangunahing prayoridad ng Pilipinas at Russia ang seguridad sa enerhiya at pagkain sa isinagawang bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Russian Federation President Vladimir Putin nitong Miyerkules, Hunyo 17.
Isinagawa ang pagpupulong sa sidelines ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-Russia Commemorative Summit sa Kazan, Russia, at kasabay ng ika-50 taon ng diplomatikong relasyon ng dalawang bansa.
Sa kanyang opening remarks, binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. ang kahalagahan ng nasabing talakayan sa selebrasyon ng golden anniversary ng diplomatikong relasyon ng Manila at Moscow na naitatag noong Hunyo 2, 1976.
“It is a particularly significant time for us to be meeting as this is the 50 years celebration of Philippine-Russian ties,” ayon sa Pangulo.
Kabilang sa tinalakay sa pagpupulong ang nagpapatuloy na hangarin ng parehong bansa sa pagpapalawak ng “business-to-business cooperation,” tulad ng pagtutulungan sa larangan ng inobasyon, retail products, food processing, cosmetics, at industrial collaboration.
Kinilala naman ni President Putin ang nabuong relasyon ng Pilipinas-Russia na nakaangkla sa respeto sa isa’t isa at kapwa interes sa nakalipas na limang dekada.
“Apparently, we are approaching the present threshold with an immense capital of mutually beneficial cooperation underpinned by good traditions of mutual respect and respect for legitimate interests of each other,” ayon kay Putin.
Binanggit din ng Russian leader na lumagpas na sa $500 milyon ang bilateral trade ng dalawang bansa noong 2025 at ibinahagi na may malaki pang natitirang potensyal sa pagpapalawak nito.
“Of course, this is far from the limit. And of course, there is a good potential to enhance supplies of agriculture and energy resources,” dagdag ni Putin.
Kasabay nito, nagpaabot ng pagbati si President Putin sa mga Pilipino kasunod ng pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas kung saan inalala niya ang pagbisita noong 1976 ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. sa dating Soviet Union na nagbigay-daan sa pagkakatatag ng diplomatikong relasyon ng dalawang bansa.
Sa huli, inimbitahan ni Pangulong Marcos Jr. si Putin sa 21st East Asia Summit na gaganapin sa Maynila sa Nobyembre na mahalaga sa pagpapaigting ng isang matatag, ligtas, at maunlad na rehiyon. –VC











