
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na tiyakin ang isang mapayapa, tapat, at maayos na 2025 National and Local Elections sa darating na Mayo 12.
Sa kanyang mensahe sa oath-taking ceremony ng newly promoted generals at iba pang opisyal ng AFP ngayong Huwebes, Pebrero 20, iginiit ng Pangulo ang kahalagahan ng eleksyon sa demokrasya ng bansa.
“As a nation that deeply values and honors our right to vote, we are counting on the armed forces to ensure a peaceful, credible, and orderly conduct of the electoral process that the Filipinos expect from us. We cannot fail them,” mensahe ng Pangulo.
Ayon kay Pangulong Marcos Jr., inaasahan ng sambayanan na pangungunahan ng AFP ang pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa nasabing mahalagang kaganapan.
Kaya naman hinikayat niya ang mga bagong heneral at opisyal na maging ehemplo ng disiplina, patriotismo, at dedikasyon sa kapakanan ng nakararami.
Kasabay nito, nagpasalamat din ang Pangulo sa mga sundalo at kanilang pamilya sa sakripisyo para sa mga Pilipino at sa buong bansa. – IP