IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM sa Araw ng mga Bayani: ‘Panatilihing buhay ang diwa ng pagkamakabayan, magkaisa sa pagtatanggol sa soberanya’

164
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. led the observance of National Heroes’ Day at the Libingan ng mga Bayani in Fort Bonifacio, Taguig City on Monday, August 31. (Photo courtesy of PCO)

Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng mga adhikain at pagpapahalagang ipinaglaban ng mga bayani para sa bansa sa paggunita ng National Heroes’ Day sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City ngayong araw, Agosto 31.

Sa kanyang talumpati, hinimok ng Pangulo ang mga Pilipino na isabuhay ang mga aral na iniwan ng mga nagbuwis ng buhay at gawin itong gabay sa pagtupad sa kanilang tungkulin para sa bayan.

“We honor them best by embodying their courage, keeping the flame of patriotism alive, and becoming the citizens our country needs,” ayon kay Pangulong Marcos Jr.

Ayon sa Pangulo, dahil sa tapang at sakripisyo ng mga bayani, nakamit ng mga naunang henerasyon ang kalayaan ng bansa, naipagtanggol ang dignidad ng mga Pilipino, at naitatag ang pundasyon ng Republika.

Binigyang-pugay din ng lider ang mga ordinaryong Pilipinong patuloy na nagsasakripisyo para sa kanilang pamilya at komunidad.

Kabilang dito ang mga overseas Filipino worker (OFW), bumbero, pulis, sundalo, emergency responder, guro, healthcare worker, mga magulang, at iba pang Pilipinong patuloy na tumutupad sa kanilang tungkulin para sa kapakanan ng kapwa at ng bansa.

“Ilan lamang sila sa maraming mukha ng kabayanihan sa ating panahon,” ani Pangulo.

Kaugnay nito, kinilala rin ng Pangulo ang Philippine Coast Guard (PCG), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at mga Pilipinong mangingisda sa kanilang papel sa pagtatanggol sa mga karapatan, kabuhayan, at pambansang interes ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Binigyang-diin ng punong ehekutibo na ang pagtatanggol sa teritoryo ng Pilipinas ay responsibilidad ng buong bansa, kabilang na ang pagtuturo sa mga kabataang Pilipino sa karapatang pandagat ng Pilipinas at paghihimok tungo sa responsableng pampublikong diskurso.

“Ipaglalaban natin ang ating mga karapatan sa paraang mapayapa, naaayon sa batas, at naaayon sa ating mga prinsipyo,” saad ni Pangulong Marcos Jr.

Nanawagan din ang Pangulo sa mga Pilipino na magkaisa sa pagbuo ng isang “Bagong Pilipinas” na may matatag na mamamayan sa harap ng mga hamon, mga institusyong naglilingkod nang may integridad, at pambansang soberanyang mapangangalagaan para sa mga susunod na henerasyon.

“Let the Bagong Pilipinas we are shaping continue to revere the heroes of the past, present, and future,” ayon pa sa Pangulo. – MP