
Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dapat direktang mapakinabangan ng mga Pilipinong nasalanta ng kalamidad ang pondo ng pamahalaan na nakalaan para sa rehabilitasyon at muling pagbangon ng mga komunidad.
Iginiit ito ng Pangulo sa ceremonial turnover ng pondo sa ilalim ng Disaster Rehabilitation and Reconstruction Assistance Program (DRRAP) sa 306 calamity-stricken local government units (LGUs) nitong Huwebes, Nobyembre 5.
“Pera po ito ng taumbayan at para ito sa mga kababayan nating nasalanta. Hindi ito pondo para sa sinumang gustong magpayaman sa gitna ng ating mga nararamdaman na trahedya,” ani Pangulong Marcos Jr.
Mahigpit ding nagbabala ang Pangulo laban sa mga katiwalian sa proyekto, partikular sa mga ghost project at paggamit ng substandard na materyales sa mga rehabilitation project.
Aniya, mananagot sa batas ang sinumang mapatutunayang gumamit ng pondo para sa pansariling pakinabang sa halip na matulungan ang mga biktima ng kalamidad.
“So, to our LGUs, I enjoin you, use these funds wisely and serve our people with the honesty, the diligence that they deserve,” saad ng Pangulo.
Sa kabuuang P8.645 bilyong pondong inilaan sa DRRAP, P6 bilyon na ang naipamahagi sa mga lokal na pamahalaan.
Inaprubahan na rin ang ikalawang tranche na nagkakahalaga ng mahigit P2.5 bilyon, na kasalukuyan nang ipinadadala sa mga LGU.
Nakalaan ang pondo para sa pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga nasirang imprastraktura, kabilang ang mga kalsada, tulay, public building, at evacuation center.
Saklaw din ng programa ang pagpapanumbalik ng mga serbisyong pang-agrikultura, pabahay, edukasyon at kalusugan, gayundin ang iba pang kabuhayang naapektuhan ng mga kalamidad. – IP











