IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM sa mga law graduate: Manindigan sa prinsipyo at integridad

77
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. attended the 3rd Commencement Exercises of the West Visayas State University-College of Law at the WVSU Cultural Center in Iloilo City today, June 5. (Photo courtesy of PCO)

Hinimok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga nagsipagtapos sa West Visayas State University (WVSU) College of Law na manatili sa kanilang prinsipyo na nagtulak sa kanila upang tahakin ang propesyon sa abogasya.

Sa kanyang talumpati sa 3rd Commencement Exercises ng WVSU College of Law sa Iloilo City ngayong Biyernes, Hunyo 5, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng integridad, katarungan, at katotohanan sa pagganap ng kanilang tungkulin bilang mga susunod na abogado ng bansa.

“May you always choose principle over convenience, truth over falsehood, and service over self-interest. May you use your expertise to help build a nation worthy of the aspirations of our people,” ani Pangulo.

Kabilang sa mga dumalo sa seremonya si First Lady Liza Araneta-Marcos, na isa sa mga miyembro ng faculty ng unibersidad, kasama ang iba pang opisyal ng pamahalaan.

Pinangunahan din ng Pangulo ang inagurasyon ng bagong gusali ng WVSU College of Law, na aniya ay magbibigay ng mas maraming oportunidad para sa mga nais maging abogado.
“As we open the doors of this new facility, we also open greater opportunities for aspiring legal professionals to learn, to serve, and then to contribute to our nation,” aniya.

Sa kanyang mensahe, binalikan din ng Pangulo ang tanyag na pahayag ni dating Pangulong Ramon Magsaysay na “Those who have less in life should have more in law.”

Ayon sa Pangulo, mahalagang gampanan ng mga abogado ang kanilang tungkulin lalo na sa panahong sinusubok ang tiwala ng publiko sa mga institusyon.

Dagdag niya, responsibilidad ng mga legal na propesyunal na tiyaking hindi napag-iiwanan ng proteksyon ng batas ang mahihirap, mahihina, nasa laylayan ng lipunan o mga walang sapat na impluwensiya o kapangyarihan.

Sa huli, hinimok ng Pangulo ang mga bagong law graduate na tumulong sa paghubog ng Bagong Pilipinas kung saan iginagalang ang tuntunin ng batas, naaabot ng lahat ang hustisya, at ang bawat Pilipino ay namumuhay nang may dignidad at pag-asa. – VC