
Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Philippine National Police (PNP) na mas palakasin ang seguridad at maging mapagmatyag ngayong holiday season upang matiyak ang kaligtasan ng publiko kasabay ng inaasahang pagtaas ng mga aktibidad sa mga pampublikong lugar.
Sa kanyang talumpati sa oath taking ng 50 PNP star-ranked officers sa Malacañang ngayong araw, Disyembre 17, binigyang-diin ng Pangulo na ito na ang panahon na nangangailangan nang mataas na antas ng seguridad.
“As we are in the holiday season, when more people are out in public and families are on the move, this period calls for heightened security and vigilance,” ani Pangulo.
Hinimok din ni Pangulong Marcos Jr. ang mga miyembro ng PNP na magpatuloy sa pagpapakita ng “visible at reassuring” na presensya sa mga pampublikong lugar, kung saan nagsasama-sama ang mga pamilya sa pagdiriwang ng Kapaskuhan.
“Tiyakin ninyo ang kaligtasan ng bawat mamamayan upang tunay natin maramdaman ang saya ng kapaskuhan ng may kapanatagan at pagkakaisa at may tunay na ligaya,” dagdag ni Marcos.
Paaala ng lider sa mga bagong promote na opisyal ng PNP, huwag tumigil sa serbisyo-publiko, kahit sa panahon ng mga pagdiriwang, at pinaalalahanan na maglingkod nang may karangalan para sa kapakanan ng bansa.
Sa kasalukuyan, inihanda na ng PNP ang pagpaplano ng mga hakbang pang-seguridad para sa Kapaskuhan, kung saan mahigit 100,000 na police personnel ang ide-deploy sa iba’t ibang bansa. – IP











