
Hinimok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 34 newly-promoted general at flag officer ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mamuno nang may katapatan, kakayahan at pananagutan upang mapanatili ang tiwala ng taumbayan sa militar.
Sinabi ito ng Pangulo sa kanyang talumpati sa oath-taking ng mga opisyal sa Malacañang ngayong Martes, Nobyembre 10.
Ayon sa Pangulo, kaakibat ng kanilang bagong ranggo ang mas malaking responsibilidad na protektahan ang mamamayan, pangalagaan ang soberanya, at ipagtanggol ang teritoryo ng bansa.
Binigyang-diin ng lider na mahalagang magkaroon ang AFP ng mga pinunong kayang magbigay ng tiwala sa kanilang mga tauhan at maghanda sa susunod na henerasyon ng mga lider ng militar, lalo na sa harap ng mas komplikadong sitwasyon sa seguridad.
Hinimok din ng Pangulo ang mga bagong heneral na ibahagi ang kanilang karanasan, paunlarin ang kakayahan ng mga tauhan, at tiyaking mananatiling matatag ang Sandatahang Lakas kahit matapos ang kanilang panunungkulan.
Kaugnay nito, iniulat ni Pangulong Marcos Jr. na nakapagsagawa na ang AFP ng mahigit 2,600 patrol mission sa mga karagatan, partikular sa Kalayaan Island Group, Batanes at Tawi-Tawi mula Disyembre 2025 hanggang Nobyembre 2026.
Nagsagawa rin ang militar ng mahigit 250 aerial patrol mission sa West Philippine Sea (WPS) at iba pang karagatang sakop ng maritime rights ng Pilipinas at southern boundary.
Bukod dito, idinaos din ng ahensya ang 17 bilateral at 15 multilateral maritime cooperative activities sa WPS kasama ang United States, Australia, Japan, Canada, New Zealand, France at India.
Nabuwag din ng AFP ang isang regional party committee at 10 sub regional party committee sa Pilipinas bilang bahagi ng kampanya laban sa insurgency at terorismo.
Ayon sa Pangulo, bahagi ang mga operasyong ito ng pagsisikap ng pamahalaan na pangalagaan ang karapatan ng Pilipinas sa karagatan, at makamit ang lasting peace at kaunlaran sa mga komunidad na apektado ng kaguluhan.
Sa huli, muling tiniyak ng punong ehekutibo ang suporta ng administrasyon sa pagbibigay ng kinakailangang pondo, kagamitan at iba pang tulong upang maisakatuparan ng AFP ang mandato nito at maipagpatuloy ang modernisasyon ng militar. – IP











