Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa publiko na mananatili ang mga serbisyong ibinibigay ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga miyembro nito.
Ito ay sa kabila ng pagtanggi ng bicameral conference committee na aprubahan ang P74-bilyong panukalang badyet ng ahensya sa susunod na taon.
“I would like to just assure everybody, huwag niyong inaalala na mababawasan ang serbisyo kahit na kanino. Para sa senior, para sa mga mahirap, para sa middle class, walang mababawasan kahit isang kusing,” pagbibigay-diin ng Pangulo.
Aniya, ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng hakbang para mapakinabangan ng mga Pilipino ang mga benepisyo mula sa PhilHealth.
“Dadagdagan natin ‘yan in 2025. Mas dadami pa ang magiging serbisyo na ibinibigay ng PhilHealth. Mas lalaki pa ang magiging payment na ibibigay sa insurance claim,” ani Pangulong Marcos Jr.
Matatandaang hindi inaprubahan ng mga mambabatas ang hinihiling na pondo ng state insurer dahil mayroon umano itong P600-bilyon halaga ng reserve funds.
Kaugnay nito ay inaprubahan na rin ng Board of Directors (BOD) ng PhilHealth ang halagang P248 billion na Corporate Operating Budget (COB) nito para sa susunod na taon ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa. – AL