IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM: Sariling suplay ng gas, magbibigay ng mas maaasahang kuryente, seguridad sa enerhiya

131
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. led the ceremonial first gas flow and activation of the Malampaya Phase 4 (MP4) project at the Malampaya Onshore Gas Plant in Batangas City today, November 5. (Photo courtesy of PCO)

Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagpapaunlad ng mga lokal na pinagkukunan ng natural gas upang matiyak ang matatag na suplay ng kuryente at mapalakas ang seguridad sa enerhiya ng bansa.

Sinabi ito ng Pangulo matapos niyang saksihan ang ceremonial first flow of gas sa Malampaya Onshore Gas Plant sa Batangas City ngayong Huwebes, Nobyembre 5.

“From offshore Palawan, this indigenous natural gas will flow through the Malampaya gas transmission infrastructure to Batangas, and ultimately to the gas-fired power plants serving the Luzon grid,” ani Pangulong Marcos Jr.

Maliban sa paggamit ng local natural gas, makatutulong ang planta upang maging mas abot-kaya ang presyo ng kuryente sa Pilipinas dahil mababawasan ang pag-angkat ng enerhiya mula sa ibang bansa.

Batay sa datos, mahigit kalahati ng suplay ng enerhiya ng Pilipinas noong nakaraang taon ay nagmula sa ibang bansa, kaya nananatiling vulnerable ang bansa sa pagtaas ng presyo ng enerhiya sa pandaigdigang merkado.

Dahil dito, iginiit ng punong ehekutibo ang pangangailangang patuloy na tuklasin at paunlarin ang mga lokal na pinagkukunan ng enerhiya.

“That is why we need to explore and develop more local energy resources, especially renewable energy sources,” ani Pangulo.

Matagumpay na nakapagsimula ng paghahatid ng natural gas ang Malampaya Phase 4 (MP4) project mula sa dalawang bagong balon na East 1 at Camago 3.

Saklaw ng MP4 ang pagbabarena ng dalawang deepwater well at paglalagay ng subsea infrastructure na mag-uugnay sa Malampaya production platform.

Tinatayang aabot sa 222 bilyong cubic feet ng natural gas ang maaaring makuha mula sa dalawang balon.

Inaasahang makalilikha ang mga ito ng hanggang 31.46 bilyong kilowatt-hour (kWh) ng kuryente, na sapat para sa pangangailangan ng tinatayang 13.11 milyong kabahayan sa loob ng isang taon.

Batay naman sa initial results ng dalawang balon, posibleng mapahaba ng MP4 ang operasyon ng Malampaya nang hanggang anim na taon, depende sa aktwal na dami ng natural gas na makukuha o magagamit mula sa mga ito. – VC