
Suportado ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagrepaso sa budgeting code ng Department of Budget and Management (DBM), na maglalatag ng mas mahigpit na patakaran sa paggamit ng unprogrammed appropriations (UA).
Sa press briefing ngayong araw, Pebrero 26, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na bukas ang Pangulo sa paglimita sa UA ng mas mababa lamang sa limang porsyento ng kabuuang pambansang pondo.
Binigyang-diin ng Malacañang na hindi dapat magamit ang UA bilang discretionary na pondo. Kasalukuyan nang minamadali ng DBM ang draft measure para sa pagsusuri ng economic team, executive secretary, at ng Pangulo.
Sa kabila nito, nilinaw ni Castro na mananatiling paksa ng deliberasyon ang pinal na threshold, at kinakailangan pa rin ng pag-apruba ng Pangulo.
Matatandaan noong Enero ay nag-veto ang Pangulo ng ilang item sa ilalim ng UA ng 2026 national budget na nagkakahalaga ng halos P92.5 bilyon sa bersyon ng Kongreso.
Ang pag-veto ni Pangulong Marcos ay upang matiyak na ang pondo ng bayan ay magagamit lamang para sa malinaw na kapakinabangan ng pambansang interes. – VC











