
Umaasa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agarang maipapasa sa lalong madaling panahon ang Promoting Growth, Revenue, and Equity towards Socio-Economic Sustainability (ProGRESS) Bill kung saan parehong tinutugunan ang tax relief para sa mga manggagawa at maliliit na negosyo habang pinapatatag ang kita ng pamahalaan.
Sa press briefing ngayong araw, Agosto 4, iniulat ni Palace Press Officer Claire Castro na patuloy na inaaral ng Department of Finance (DOF) ang panukalang batas na tinatayang lilikha ng P518.71 bilyong kita mula 2027 hanggang 2030, upang mapunan ang kabuuang P326.92-B mawawala sa gobyerno mula sa mga ipapatupad na tax relief measure.
Sa ilalim ng panukala, isasama na sa exemption ang mga kumikita ng hindi lalagpas sa P350,000 kada taon, mula sa kasalukuyang P250,000 threshold, kasabay ang pagbibigay ng exemption sa minimum corporate income tax para sa mga micro at small enterprises o maliliit na negosyo, mga usaping pangunahing isinulong ng Pangulo sa kanyang ikalimang State of the Nation Address.
Kaugnay sa mawawalang kita ng pamahalaan o katumbas ng P61.06-B mula sa mas pinalawak na personal income tax exemption, at P5.96-B mula sa exemption ng minimum corporate income tax, iminungkahi ng DOF sa ilalim ng ProGRESS bill ang pagtaas ng excise tax sa ilang produkto kabilang ang wealth taxes.
Kinokonsiderang taasan ng buwis ang sweetened beverages sa P20 kada litro para sa mga inuming may asukal at P40 kada litro para sa mga gumagamit ng high-fructose corn syrup. Tinitingnan din na buwisan ang mga produktong ice cream, yoghurt, at iba pa kung saan posibleng magbigay ng P296.97-B na kita sa pamahalaan mula 2027-2030.
Kabilang ang e-cigarettes at iba pang tobacco products sa isinusulong ng DOF na taasan ng buwis. Iminungkahi ng ahensya ang P72.90 na unified excise tax sa e-cigarettes simula 2027, na may 5% indexation simula 2028.
Ang kada yunit ng e-cigarette devices, heated tobacco products, vape, at iba pang novel tobacco device ay kinokonsiderang patawan ng P150 na excise tax habang P72.90 na buwis kada dalawang gramo o dalawang mililitro ng novel tobacco products.
Nais naman buhayin ng DOF ang panukalang buwisan ang single-use plastic tulad ng “sando bags” at “labo bags” sa P150 kada kilo na may 5% indexation kada taon. Ito ay inaasahang magbibigay sa pamahalaan ng P52.19-B habang binabawasan ang paggamit ng plastic.
Itinutulak din ang mas mataas na tier ng buwis para sa mga automobiles, na magpapahintulot sa 75% tax rate para sa mga sasakyang nagkakahalaga ng mahigit P8 million kabilang ang private jets kung saan inaasahang makakalikom ang pamahalaan ng P15.64 mula 2027-2030.
Ayon kay Castro, ang mga inilatag na reporma sa buwis ay hindi nakikitang makakaapekto sa mga karaniwang mamamayan.
Sa halip, sinabi ni Finance Undersecretary Karlo Fermin S. Adriano na ang maiipon ng mga middle-class worker mula sa income tax ay higit na mataas sa mga karagdagang buwis sa ilang produkto. – VC











