
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang buong suporta at paghahatid ng tulong sa mga nasalanta ng Bagyong Basyang sa Iligan at Cagayan de Oro (CDO) City sa Northern Mindanao na higit na tinamaan ng bagyo sa rehiyon.
Alinsunod sa direktiba ng Pangulo, binisita ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang dalawang evacuation centers at ininspeksyon ang tulay na kadalasang binabaha sa Iligan City upang suriin ang natamong pinsala nito.
Ipinaabot na ng kalihim kay Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon ang kalagayan ng tulay upang humiling ng agarang pagsasaayos.
Kasunod nito, namahagi ang ahensya ng family food packs (FFPs) at ready-to-eat (RTEF) boxes sa mga residenteng namamalagi sa mga evacuation center at hindi pa makabalik sa kani-kanilang mga tahanan dulot ng epekto ng nagdaang bagyo.
Kabilang pa sa ipinamahagi ang mga non-food item gaya ng sleeping kits, hygiene kits, at family kits na makatutulong sa mga apektadong pamilya.
Ipinangako naman ni Gatchalian na maglulunsad ng financial assistance sa pamamagitan ng Emergency Cash Transfer (ECT) program sa sandaling matapos na ng lokal na pamahalaan ang profiling ng mga apektadong pamilya.
Samantala, umabot na sa 456 pamilya ang nakatanggap ng food packs sa ilang barangay sa CDO kabilang na ang Agusan, Bugo, Consolacion, Cugman, Macasandig, at Tablon.
Tuloy pa rin ang pamamahagi ng karagdagang food packs, hygiene kits, at assistance sa lugar at sa iba pang apektadong lalawigan gaya ng Lanao del Norte, Agusan del Sur, Agusan del Norte, Surigao del Sur, Surigao del Norte, at ilan pang bahagi ng Western Visayas. – VC










