
Personal na inalam ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Lunes, Agosto 24, ang kalagayan ng mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha sa Bacolor, Pampanga, at ang patuloy na paghahatid ng tulong ng pamahalaan sa mga lumikas.
Binisita ng Pangulo ang Bacolor Integrated School Evacuation Center sa Brgy. Cabambangan, kung saan nakausap niya ang mga evacuee at sinaksihan ang pamamahagi ng tig-P10,000 cash assistance sa mga apektadong pamilya.
Ang tulong-pinansyal ay bahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kasama ng Pangulo sa pagbisita sina DSWD Secretary Rex Gatchalian, Pampanga Vice Governor Dennis Pineda, Bacolor Mayor Eduardo Datu, at iba pang opisyal ng pamahalaan.
Bago ang pagdating ng Pangulo, namahagi na ang ahensya ng family food packs (FFPs) at naghatid ng mainit na pagkain sa mga evacuee sa pamamagitan ng Mobile Kitchen.
Sa datos ng DSWD, nasa 216 pamilya o 846 katao ang kasalukuyang nananatili sa evacuation center.
Samantala, nasa 315,807 pamilya o mahigit 1.01 milyong indibidwal sa Pampanga ang iniulat na naapektuhan ng mga Bagyong Luis, Maymay, at Neneng, at ng pinalakas na Habagat.
Ayon sa mga awtoridad, 10 kalsada, government facilities at flood-control structures ang napinsala sa lalawigan, habang apat na bahay naman ang tuluyang nawasak at 47 ang iba pang bahagyang napinsala.
Dahil sa lawak ng pinsala, idineklara ang buong Pampanga sa ilalim ng State of Calamity noong Agosto 12.
Batay sa datos ng DSWD, nakapagbigay na ito ng P243.37 milyon halaga ng tulong sa mga apektadong pamilya, habang may P2.63 milyong standby funds at mahigit 127,000 FFPs na nakahandang ipamahagi kung kinakailangan.
Kaugnay nito, nagsagawa rin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng maintenance at declogging operations sa mga drainage system at waterways sa Pampanga upang makatulong sa pagpapababa ng tubig.
Iminungkahi rin ng DPWH ang ilang long-term interventions upang matugunan ang paulit-ulit na pagbaha sa lalawigan.
Kabilang dito ang dredging works, Phase 2 ng Pampanga Delta Development Project, at pagtatayo ng Central Luzon Pampanga River Floodway at Rio Control Structure.
Kasama rin sa mga planong proyekto ang Manila Bay Coastal Defense Dike Project na sasaklaw sa Metro Manila, Bulacan, Pampanga at Bataan, gayundin ang pagtatayo ng mga revetment, culvert, detention basin at dam. – VC











