
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na lahat ng biktima ng 6.9 magnitude na lindol sa lalawigan ng Cebu na nasugatan o nangangailangan ng gamutan sa ospital ay saklaw na ng Zero Balance Billing program.
“Applicable dito lahat. Lahat ng nagka-injury, lahat ng nagkasakit, whatever medical issue na kailangan pumasok sa ospital, kasama ‘yan sa zero balance billing,” ani Pangulo sa isang situation briefing matapos bumisita sa Bogo City kung saan ang epicenter ng lindol.
Samantala, tinatayang nasa 65,000 na pamilya ang naitalang naapektuhan ng pagyanig.
Nakapag-deploy na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng 20 water purification units upang masiguro ang malinis na inuming tubig sa mga komunidad, habang siniguro naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sapat ang suplay ng family food packs para sa mga apektadong komunidad.
Sa kanyang pagbisita, ininspeksyon ng Pangulo ang mga nasirang gusali kabilang ang SM Cares Village, Archdiocesan Shrine and Parish Church of St. Vicente Ferrer, at Bogo Science and Arts Academy.
Pinuntahan din niya ang Cebu Provincial Hospital upang tiyaking natutugunan ang pangangailangan ng mga pasyente at napapaabot ang tulong ng gobyerno. –VC