Ipinahayag ni Doc Willie Ong ang malaking pasasalamat para sa natanggap na suporta at mensahe mula kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte sa gitna ng kinakaharap na sakit na sarcoma.
Sa kanyang official Facebook account, ikinuwento ni Ong na nagpaabot ng mensahe para sa kanya si Pangulong Marcos Jr. sa pamamagitan ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cesar Chavez.
Ibinahagi din ng health advocate ang kopya ng liham ni Vice President Duterte para sa kanya kung saan inamin ng Bise Presidente kay Ong na masugid na tagasuporta at tagasubaybay ang inang si Elizabeth Zimmerman sa kanyang YouTube video tungkol sa kalusugan.
Kasabay nito ay nanawagan si Ong sa publiko ng kapayapaan at pagkakaisa sa gitna ng anumang kinakaharap na pagsubok. Tiniyak din nito na tutulong siya sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mahihirap sa oras na gumaling mula sa kanyang sakit.
Matatandaan nitong Sabado, Setyembre 14 ay isinapubliko ni Ong sa isang video na na-diagnose siya na may sakit na carcoma, isang uri ng cancer sa tissue sa katawan tulad ng buto o muscle.
Bukod sa pagiging doktor, kilala rin si Ong bilang isang vlogger na nagbibigay ng mga impormasyon ukol sa kalusugan sa kanyang mga social media account.
Tumakbo rin ito bilang bise presidente, running mate ni former Manila Mayor Francisco Domagoso o mas kilala bilang Isko Moreno noong 2022 National Elections. – VC