Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na walang matatanggap na kahit anong ‘special treatment’ ang lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Pastor Apollo Quiboloy sa pagharap nito sa mga kasong isinampa laban sa kanya.
Gayunpaman, tiniyak ng Pangulo na hindi masasagasaan ang karapatan ni Quiboloy habang gumugulong ang imbestigasyon ng kanyang mga kaso.
“Babantayan natin na tama naman ang mangyayari na lahat ng kanyang karapatan, walang nasasagasaan doon sa karapatan niya. Wala namang ibabalewala sa kanyang kahilingan kung anuman ‘yun. But again, there is no special treatment,” paliwanag ng Pangulo.
Nanindigan ang Pangulo na ituturing ang religious leader tulad sa ibang naarestong indibidwal, habang sinusunod ang karapatan nito.
“If the process will be transparent, everyone who was involved will be accountable. And we will demonstrate, once again to the world, that our judicial system in the Philippines is active, is vibrant, and is working well,” saad ng Pangulo.
Sa isang media interview, nilinaw ni Pangulong Marcos Jr. na napilitang sumuko si Quiboloy nitong Linggo, Setyembre 8, matapos makalapit ang pulisya sa mismong pinagtataguan niya sa KOJC Compound sa Davao City.
Nahaharap sa kasong qualified human trafficking si Quiboloy sa isang korte ng Pasig City habang sinampahan din ito ng kasong child at sexual abuse sa Davao City Regional Trial Court.
Bukod dito ay kasama pa rin ang KOJC leader sa most wanted list ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos para sa mga kasong may kaugnayan sa ‘sex trafficking by force, fraud, and coercion’, at sex trafficking ng mga bata. – VC