
Mariing kinondena ng Philippine Coast Guard (PCG) at ni House Public Accounts Committee Chairperson Terry Ridon ang panawagan ni Dasmariñas Representative Kiko Barzaga na buwagin ang ahensya, matapos nitong tawaging “waste of government funds” ang operasyon ng PCG.
Ayon kay PCG Commodore Jay Tarriela, “nakababastos at disrespeto” ang naturang pahayag sa mahigit 36,000 miyembro ng Coast Guard na araw-araw nagsasakripisyo at nagbubuwis ng buhay upang ipagtanggol ang karagatan ng bansa laban sa pangha-harass ng China.
Tinuligsa rin ni Tarriela na walang katotohanan ang pahayag ni Barzaga na maaaring magdulot ng World War III ang pagtindig ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS),at iginiit ang malinaw na karapatan ng bansa sa naturang katubigan alinsunod sa 2016 Arbitral Award.
Kasabay nito, binuweltahan ni House Infra Committee Chairperson Terry Ridon si Barzaga na katawa-tawa ang panawagan nito, at binigyang-diin ang patuloy na pagsisilbi sa bayan ng Coast Guards.
Giit naman ni Tarriela, mananatiling matatag ang PCG sa mandato nitong protektahan ang soberanya ng bansa at tiyaking ligtas ang nasasakupang katubigan ng Pilipinas. (Ulat mula kay Earl Tobias) –VC











