IBCTV13
www.ibctv13.com

PCIC, naghahanda ng P36-M insurance payout para sa mga magsasaka na sinalanta ng bagyo

96
Views

[post_view_count]

The agriculture sector of Occidental Mindoro incurred P21.86 million in damage due to the combined effects of tropical cyclones Luis, Maymay, and the enhanced Habagat, the Provincial Agriculture Office reported. (Photo courtesy of PIA)

Naghahanda ang Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC) ng tinatayang P36 milyon na insurance payouts para sa 5,005 magsasaka na naapektuhan ng Bagyong Luis, Maymay, at ng habagat mula Agosto 1-11.

Batay sa initial report ni PCIC President Jovy Bernabe kay Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., kumilos na ang mga regional office ng ahensya upang beripikahin ang lawak ng pinsala at pabilisin ang pagproseso ng mga insurance claim.

Tinatayang nasa P35.67 milyon ang insured agricultural damage sa anim na rehiyon, kung saan pinakamaraming magsasakang naapektuhan ay naitala sa Region III na may 1,836, sinundan ng Region I na may 1,218 at Region IV-B na may 836.

Samantala, Region I ang nagtala ng pinakamalaking insured damage na P9.89 milyon, kasunod ang Region III na may P8.80 milyon at Region IV-B na may P7.56 milyon.

Nasa P5.04 milyon din ang pinsala sa Region IV-A, P3.47 milyon sa Region II, at P920,000 sa Region VI.

Pinakamalaki sa insured losses ang pinsala sa palay na umabot sa P25.60 milyon, habang P3.55 milyon naman ang pinsala sa mais at P3.73 milyon sa high-value crops.

Kaugnay nito, iginiit ni Laurel na kailangang mabilis na maihatid ang tulong sa mga magsasaka at mangingisda upang hindi mauwi sa long-term setbacks ang pansamantalang pagkalugi.

“We need to respond immediately to the needs of our farmers and fisherfolk after every calamity so they can recover quickly and sustain their livelihoods,” ani kalihim.

Sinabi naman ni Bernabe na pinalalakas ng PCIC ang sistema nito sa pagsusuri ng pinasala, sa pamamagitan ng paggamit ng mga bagong teknolohiya.

“We are stepping up our efforts to assess damage, process claims, and deliver insurance assistance faster so our farmers can get back on their feet and return to production,” ani Bernabe.

Bukod sa pagbibigay ng kabayaran, nagsisilbi pang tulong-pinansyal ang crop insurance upang matulungan ang mga magsasaka na makapagtanim muli, mapalitan ang nasirang farm inputs, at matugunan ang kanilang mga gastusin matapos ang isang kalamidad.

Ayon kay Bernabe, maaaring makakuha ng premium-free crop insurance sa PCIC ang mga magsasaka at mangingisdang rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), basta ay enrolled sa insurer kada planting season o kapag nag-aalaga ng bagong livestock.

Maaari ring isailalim sa insurance coverage ang farm equipment at iba pang agricultural assets.

Habang patuloy na nakararanas ng kalamidad ang bansa, itinuturing ng PCIC na mahalagang bahagi ng pagresponde sa sakuna at food security ang mabilis na pagbibigay ng insurance assistance sa mga sektor ng agrikultura. – VC