IBCTV13
www.ibctv13.com

PCO at 9 na pahayagan, sanib-pwersa sa Oplan Kontra Fake News

Kristel Isidro
73
Views

[post_view_count]

The Presidential Communications Office (PCO) and the country’s nine leading newspapers signed a Memorandum of Understanding (MOU) to combat fake news and disinformation across digital and social-media platforms today, March 4. (Photo courtesy of RP1)

Nakipagkasundo ang Presidential Communications Office (PCO) sa mga pangunahing pahayagan sa bansa na mas palakasin ang kampanya ng pamahalaan laban sa fake news at disinformation sa social media at digital platforms.

Ngayong Miyerkules, Marso 4, pormal nang lumagda sa Memorandum of Understanding (MOU) ang PCO at siyam na broadsheet bilang bahagi ng inilunsad na ‘Oplan Kontra Fake News’, isang hakbang na layong sugpuin ang mga maling impormasyon na nagdudulot ng banta sa kaligtasan ng publiko.

Kabilang pa sa layunin ng MOU ang palakasin ang pagpapalaganap ng beripikadong impormasyon, pagtibayin ang tiwala ng publiko sa midya, isulong ang media at information literacy, at magtatag ng mabilis na pagtugon laban sa disinformation.

Pinangunahan ni PCO Secretary Dave M. Gomez ang paglagda sa nasabing kasunduan, kasama ang mga kinatawan ng Business Mirror, Business World, Daily Tribune, Malaya Business Insight, Manila Bulletin, Manila Standard, Philippine Daily Inquirer, The Manila Times, at The Philippine Star.

Nangako ang mga ito na itataguyod ang responsableng pag-uulat, habang iginagalang ang kalayaan sa pamamahayag na ginagarantiyahan ng 1987 Philippine Constitution.

Sa ilalim ng kasunduan, itinuturing na fake news ang mga impormasyon na walang batayan o sadyang mapanlinlang na may kakayahang magdulot ng pampublikong pinsala gaya ng panic, karahasan, at pagkasira ng reputasyon.

Bilang bahagi ng inisyatiba, nagtatag ang PCO ng Anti-Fake News Desk kung saan maaaring magsumite ng ulat ang publiko hinggil sa mga mapanlinlang na content online.

Agarang susuriin ang mga ulat at irerekomenda sa kaukulang ahensya, kabilang na ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Justice (DOJ), para sa kaukulang aksyon.

Makikipagtulungan din ang tanggapan sa mga digital platform tulad ng Meta at Google upang higit pang mapatibay ang kolektibong pagkilos ng pamahalaan na matiyak ang ligtas na digital space. – IP