
Nagbitiw na sa pwesto bilang kalihim ng Presidential Communications Office (PCO) si Secretary Cesar B. Chavez, epektibo simula Pebrero 28.
Sa isang pahayag, sinabi ni Chavez na nagpasa siya ng irrevocable resignation noong Pebrero 5 at hinihintay na lamang ang papalit sa kanya sa posisyon.
Gayunpaman, tiniyak niya na hindi siya lalayo sa adhikain ng administrasyon at patuloy na magsisilbi sa publiko sa ibang paraan.
Nagpasalamat din si Chavez kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa oportunidad na ipinagkatiwala sa kanya bagaman aminado na may panghihinayang sa kanyang pag-alis sa ahensya.
“I would like to thank the President for the opportunity to serve, which has been an honor of a lifetime made possible only by his trust and confidence in me,” mensahe ni Chavez.
“Although there is much for which I am grateful and a long list of people to thank, I leave with only one regret: in my estimation, I have fallen short of what was expected of me,” dagdag niya.
Bilang dating mamamahayag, binigyang-diin ni Sec. Chavez na nananatili siyang tapat sa katotohanan–ang prinsipyong naging gabay niya sa panunungkulan.
Kasabay nito ay inanunsyo rin ni Chavez na nakatakdang pumalit sa kanya sa pwesto ang dating broadcaster na si Jay Ruiz. – IP