
Nakamit ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang pandaigdigang pagkilala ng World Lottery Association (WLA) bilang isang magandang halimbawa ng lottery agency na gumagamit ng kinikita nito para pondohan ang mga programang pangkalusugan at iba pang serbisyo na makatutulong para sa mga kababayan.
Ayon kay WLA President Andreas Kotter, mahusay na naipapakita ng Pilipinas kung paano maaaring makalikom ng pondo ang isang lottery, habang tinitiyak na responsable ang pagpapatakbo nito.
“The Philippine lotteries are a perfect example of doing good, raising money for good causes, and having a profile as a lottery which is outstanding,” ani WLA President Kotter sa sidelines ng World Lottery Summit 2026 sa Sydney, Australia nitong Nobyembre 9-12.
Ang pagkilala ay sumasalamin sa mandato ng PCSO na makalikom ng pondo para sa medical assistance, healthcare programs, at charitable services para sa mga Pilipino.
Ikinatuwa naman ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang pagkilala ng WLA, na aniya’y patunay ng patuloy na pagsisikap ng ahensya na gamitin ang operasyon nito para sa kapakanan ng publiko.
Ayon kay Robles, hindi lamang laki ng kinikita ang sukatan ng tagumpay ng PCSO kundi maging ang bilang ng mga Pilipinong natutulungan nito.
“Every peso that goes toward our charitable programs represents an opportunity to provide medical assistance, support communities, and make a meaningful difference in people’s lives,” ani Robles.
Pinuri rin ni Kotter ang pakikilahok ng delegasyon ng Pilipinas sa summit, na nagpapakita ng suporta ng PCSO at ng bansa sa organisasyon.
Dinaluhan ng mga pinuno at kinatawan ng mga lottery organization mula sa iba’t ibang bansa ang World Lottery Summit 2026 kung saan tinalakay ang responsableng pagsusugal, mga bagong teknolohiya, at ang mahalagang papel ng mga lottery sa pagtulong sa lipunan. – IP











