Matagumpay na nakamit ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang Level 2 Certification for Responsible Gaming mula sa World Lottery Association (WLA) na kumikilala sa pagsisikap ng ahensya na isulong ang patas at responsableng mga palaro.
Sa kanyang pagbisita sa Palasyo, personal na iprinisenta ni PCSO General Manager Mel Robles kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang natanggap na pagkilala, gayundin ang iba pang parangal na nakamit ng ahensya sa nakaraang taon.
Lubos na ikinatuwa ni Robles ang bagong tagumpay na bunga aniya ng kanilang pagtutulungan na matiyak ang ‘responsible gaming’ habang lumilikom ng pondo para sa mga programang pangkawanggawa.
“Achieving the WLA Level 2 Certification demonstrates our ongoing commitment to balancing revenue generation for charitable causes with the promotion of responsible gaming,” pahayag ni Robles.
Ibinibigay ang Level 2 Certification sa mga lottery organizations na matagumpay na nakasusunod sa mga itinakdang ‘responsible gaming initiatives’ sa ilalim ng WLA Responsible Gaming Framework.
Ayon pa kay PCSO General Manager Robles, may bisa ang nasabing certification hanggang 2027.
“Malaki po itong karangalan at ako po ay lubos na nagpapasalamat sa lahat ng sumusuporta sa aming ahensya. Maraming salamat po sa tiwala. We are looking forward to serving the Filipino people better this 2025,” pasasalamat ni Robles.
Nangako rin ang opisyal na sisikapin ng PCSO na makakuha ng mas mataas na level ng WLA certification habang pinapangalagaan ang interes ng mga manlalaro, stakeholder, at ng komunidad.
“Looking ahead, the PCSO is dedicated to continuously enhancing its responsible gaming framework to achieve higher levels of WLA certification while fostering trust, transparency, and accountability among its stakeholders,” pangako ni Robles. – VC