
Inaasahan ng Malacañang na agarang kikilos ang National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng pagkalat ng isang pekeng medical report na naglalaman ng impormasyon tungkol sa umano’y kalusugan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr..
Sa press briefing ngayong Huwebes, Enero 29, sinabi ni PCO Usec. at Palace Press Officer Claire Castro na seryosong usapin at hindi dapat balewalain ang pagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa kalusugan ng Pangulo.
Aniya, kilala ang NBI sa mabilis na pag-aksyon upang matukoy kung sino ang nasa likod ng pagpapakalat ng naturang dokumento, kaya’t hindi na kinakailangan ng direktang utos mula sa Pangulo sa pag-iimbestiga nito.
“Mabilis ang NBI umaksyon. Alam naman nila kung ano ang nangyayari sa gobyerno natin at sa ating kapaligiran. So, without even an order coming from the President, the NBI is mandated to investigate this matter,” paliwanag ni Castro.
Matatandaang nauna nang kinondena ni Castro ang pagkalat ng pekeng medical report ng Pangulo at tinawag itong “fake at malicious.”
Dahil dito, hinimok niya ang publiko na maging mapanuri at iwasan ang pagbabahagi ng mga hindi beripikadong impormasyon, habang kasalukuyan nang sinusuri ang mga posibleng hakbang kaugnay ng kumakalat na isyu. – VC











