
Malugod na tinanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang planong multi-dollar na investment ng Lufthansa Technik Philippines sa Clark International Airport (CRK), isang proyektong inaasahang lilikha ng humigit-kumulang 1,200 high-skill jobs at higit pang magpapalakas sa industriya ng aviation sa bansa.
Inanunsyo ang proyekto kasabay ng pagbisita sa Pilipinas ni German President Frank-Walter Steinmeier nitong Martes, Hunyo 16, kung saan kinilala ng dalawang lider ang inisyatiba bilang mahalagang hakbang sa pagpapalalim ng ugnayang pang-ekonomiya ng Germany at Pilipinas.
Sa ilalim ng kasunduan, ang Lufthansa Technik Philippines, isang joint venture ng Lufthansa Technik AG at MacroAsia Corporation, ay magtatayo ng bagong aircraft maintenance, repair, and overhaul (MRO) facility sa loob ng paliparan.
Inaasahang magsisimula ang operasyon ng pasilidad sa 2028.
Sa oras na maging operational, magkakaroon ito ng kapasidad na magsilbi sa hanggang siyam na widebody aircraft nang sabay-sabay.
Ayon kay Department of Finance (DOF) Secretary Frederick Go, patunay ang pamumuhunan ng Lufthansa Technik sa lumalaking tiwala ng mga investor sa ekonomiya ng bansa at mga manggagawang Pilipino.
Sinabi ni Go na magbubukas ang proyekto ng mga de-kalidad na oportunidad sa trabaho, magpapalakas ng lokal na kakayahan, magpapabilis ng paglipat ng teknolohiya, at magpapalalim sa partisipasyon ng bansa sa global aviation at supply chains.
Samantala, sinabi naman ni Lufthansa Technik Philippines CEO Holger Beck na sumasalamin ang bagong pasilidad sa long-term commitment ng kumpanya sa Pilipinas bilang mahalagang sentro ng aviation maintenance sa Asia-Pacific region.
Inaasahang makahihikayat ang proyekto ng karagdagang pamumuhunan sa mga sektor ng aerospace, logistics, manufacturing, at iba pang kaugnay na industriya.
Kasabay nito, higit pang mapatitibay ang papel ng Clark bilang pangunahing aviation at logistics hub sa loob ng Luzon Economic Corridor.
Patuloy na isinusulong ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), katuwang ang pribadong operator na LIPAD Corporation, ang pagpapalawak at modernisasyon ng CRK upang mapahusay ang koneksyon ng Pilipinas sa mga pangunahing merkado sa Europe, North America, Middle East, at Asia-Pacific.
Ang pamumuhunan ng Lufthansa Technik ay malinaw na patunay ng tiwala sa potensyal ng ekonomiya ng bansa, kakayahan ng mga manggagawang Pilipino, at lumalawak na papel ng Clark sa industriya ng aviation. – VC











