IBCTV13
www.ibctv13.com

PH at Japan, nagkasundong magtulungan sa oil stockpiling para sa abot-kayang presyo ng langis

206
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. and Japanese Prime Minister Sanae Takaichi co-chair the 4th Asia Zero-Emission Community Leaders’ Meeting in Manila today, November 17, to tackle ASEAN’s path to lower emissions, while keeping energy secure and affordable. (Photo courtesy of PCO)

Kapwa isinulong ng Pilipinas at Japan ang kooperasyon sa regional oil stockpiling bilang solusyon sa pagtaas ng presyo ng langis at seguridad sa kuryente sa ikaapat na Asia Zero-Emission Community (AZEC) Leaders’ Meeting ngayong Nobyembre 17.

Inalok ni Japanese Prime Minister Sanae Takaichi sa Pilipinas ang mga hindi nagagamit na pasilidad ng Japan para sa imbakan ng langis bilang suporta sa inisyatibang regional oil stockpiling sa ASEAN na isinulong mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Iminungkahi rin ng Japan ang pagtatatag ng Asia Oil Security Task Force sa pakikipagtulungan sa International Energy Agency (IEA) at Economic Research Institute for Asean and East Asia (ERIA)

Magsisilbong sentro ng koordinasyon para sa task force ang IEA hub sa Tokyo, Japan, na mangangasiwa sa pagtutulungan ng mga bansa sa panahon ng emergency, partikular sa pagpapalabas at paglilipat ng suplay ng langis.

Ito ay bahagi ng pagsuporta sa umiiral na AZEC framework tungo sa AZEC 2.0, na naglalayong maabot ang seguridad sa enerhiya, mapababa ang presyo ng langis, mapalago ang ekonomiya, at mabawasan ang carbon emissions.

“It is very possible to achieve both climate change countermeasures and economic growth. Japan will serve as the nexus connecting oil-producing countries and Asia,” ani Takaichi.

Ipinahayag naman ni Pangulong Marcos Jr. ang suporta sa pagpapalawak pa ng kooperasyon ng mga bansa sa rehiyon kaugnay ng usapin, habang binigyang-diin ang epekto ng pagkakaantala sa mahahalagang ruta ng suplay ng enerhiya sa global supply chain.

“Disruptions along critical supply routes, such as the Strait of Hormuz, never stay local. They reverberate across global supply chains,” ani Pangulo.

Inilatag din ni Pangulong Marcos Jr. ang pagtatatag ng sariling strategic petroleum reserve, patuloy na naghahanap ang pamahalaan ng mga mamumuhunan para sa renewable energy, modernisasyon ng power grid, energy storage, natural gas, at iba pang makabagong teknolohiya.

Ani Pangulo, target ng bansa na makapag-secure ng hindi bababa sa 25 gigawatts ng renewable energy capacity pagsapit ng 2035, at mapataas sa 50% ang bahagi nito sa kabuuang power generation mix pagsapit ng 2040. – VC